Una sa Balita

ALAB: ‘Lolo’ ng tennis kumana na naman

By
0 0

TSAMP na naman si Roger Federer matapos niyang tangayin ang BNP Paribas Open sa ­Indian Wells, California, sa panalong 6-4, 7-5 laban sa kababayan ­niyang si Stan Wawrinka.

Mahigit $1 milyon na naman ang isinubi ni Federer. Nito lamang Enero, dinakma ni Fede­rer ang mahigit ding $1 milyon sa kanyang pa­nalo sa Australian Open.

Ika-90 korona niya ang BNP Paribas para siya’y pumangatlo sa likod nina Jimmy Connors (94) at Ivan Lendl (92) sa all-time tennis victories.

Abante Hiring – IT dep

Mantakin na sa edad na 35, si Federer ay sinlakas pa rin halos ng mga nakakabata niyang katunggali.

“Hindi rin ako makapaniwala sa sarili ko,” sabi ni Federer, taga-Switzerland na may anak na kambal na babae. “Parang pantasya ang nangyayari.”

Anim na buwan ­siyang namahinga noong 2016 dahil sa inoperahang tuhod.  Pero pagbalik niya noong Enero, tinuhog niya sa Melbourne ang Australian Open — ang kanyang walang kapantay na ika-18 major.

Ano ba ang sikreto ni Federer, ang “lolo” ng tennis?

“Huwag matakot, huwag mapresyur at huwag puwersahin ang laro,” payo ni Federer.­  “Pero kailangang kundisyon ang katawan para madaling makasunod ang utak.”
May iniinda sa siko sina Andy Murray at Novak Djokovic kaya’t paborito na naman si Federer sa Miami Open umpisa sa Lunes.

Wari’y tanging si­ ­Rafael Nadal ang puwedeng makapagpigil sa ratsada ni Federer.