Una sa Balita

ALAB: Kontrata at droga

By
0 1

Una ay kontrata sa pagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at mga coaches at atleta.

Ito’y para siguraduhin ang tunay at walang hawsiyaw na treyning ng mga atleta.

Idagdag diyan ang dibdibang pagmanman ng coaches sa ensayo ng mga atletang nasa ilalim nila.

Pati kutsabahan ng coach at atleta ay tuluyan nang mabubura.

Sinumang lumabag sa mga alituntunin ay awtomatikong basehan na itigil ang pagbibigay ng alawans—sa coaches man o atleta.

Kung mapatunayang seryoso ang nalabag na reg­lamento, puwedeng maging basehan ito para tanggalin sa national training pool ang coach o atleta.

Sumunod ay ang pagpapatulad ng drug test sa parehong coach at atleta.

Okey din iyan.

Dapat nga ay noon pa ipinatupad iyan.

Kamakailan, may isang sepak takraw athlete na nagpositibo sa droga. Agad tinanggal ang atleta, na miyembro pa ng Philippine Navy.

Kontrata at droga.  Iyan ngayon ang tututukan ni Butch Ramirez, ang nanumbalik na PSC chairman.

Kung bakit hindi agad ipinatupad ang dalawang panuntunan na iyan ng mga nakaraang administrasyon ay isang palaisipan.

Pakiramdam ko’y bibigyang-diin ni Ramirez ang marubdob na pagpapatupad ng isyung kontrata  at droga.

Panahon na para magkaroon ng saysay ang liderato sa PSC para sa kapakanan ng Philippine sports.

Sabi nga natin:  Huli man daw at magaling, naihahabol din.