Una sa Balita

ALAB: Iskalper, bantayan

By
0 5

Ngayon pa lang ay may presyo na ng tiket na mabibili sa SEABA basketball tournament Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum, Cubao-Q.C.

Nakakatuwa naman dahil ang pinakamahal na tiket ay hindi man lang umabot sa isang ­libong piso.

Sa Patron A—ang pinakaaasam-asam na upuan sa Big Dome—ay nagkakahalaga lamang ng P950.

Mantakin na international tournament ang ­SEABA na kapapalooban ng mga bansa sa ­Southeast Asia.

Ang susunod na pinakamahal na tiket ay P900 sa Patron B.  Kasunod ang P880 Patron C, P550 Box VIP, P450 Box Regular, P200 Upper Box at P100 General Admission.

Hindi na masama.

Sa mga resonableng presyo na iyan, ­pinatunayan lamang ng SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas) na hindi nito sinisikil ang taal na pagmamahal ng Pinoy sa basketbol.

Ang mananalo sa SEABA ay aabante sa Fiba Asia Cup sa Lebanon Agosto 10-20 at nasa 14 na bansa ang magtutunggali roon para sa 2 tiket ­papuntang Fiba World Cup sa China.

Tayo’y paborito sa SEABA pero sabi ni coach Chot Reyes:  “Huwag tayong kumpiyansa.  May naturalized players na rin ang Thailand, Indonesia, Singapore at Malaysia.”

Kaya bilang suporta, dapat dagsa tayo sa Big Dome lagi.

Sana nga lang ay huwag hayaang pakyawin ng iskalper ang mga tiket ngayon pa lang.

Baka libu-libo ang abutin ng presyo ng tiket pagdating ng Mayo.

SBP nakikinig ba?