Una sa Balita

ALAB: Horn handang-handa kontra Pacquiao

By
0 5

Si Jeff Horn handa raw makipagbasagan ng mukha kay Manny ­Pacquiao sa Hulyo 2.

“Redi akong makipagbatuhan ng suntok,” sabi sa Ingles ni Horn sa The Sydney Morning Herald. “Kung iyan ang kailangan, kung iyan ang sikreto [ng panalo], tatayo ako’t harap-harapan kong lalabanan si Manny Pacquiao. Isa akong pressure ­fighter, bakbakan agad umpisa pa lang.”

Aba’y matapang din itong si Horn, dating guro at sasabak kay Pacquiao sa SunCorp. Stadium sa bayan niyang Brisbane, Australia.

Edad 29 si Horn at 38 naman si Pacquiao.

Sa diprensiyang halos 10 taong agwat ng ­dalawa marahil ang nagbigay-lakas kay Horn na kaya niyang makipagsabayan kay Pacquiao.

Sabagay, humina na wari si Pacquiao.  Halos sa loob ng 8 taon ay walang napatulog si Pacquiao.  Bagkus, siya ang pinatulog sa 6th round ni Juan Manuel Marquez noong 2012.

At si walang-talong Horn hawak din ang 16-0-1, win-loss-draw record.  Meron siyang 11 knockouts kayat hindi ito puwedeng maliitin.

Ang isang bentahe ni Horn ay dahil sa ­hindi siya kilala, walang mawawala sa kanya kapag siya’y talo.

Pero kapag nasilat niya si Pacquiao, bigla’y hawak niya ang mundo sa leeg.

Di kasi, nakataya ang WBO world ­welterweight crown ni Pacquiao.

Walang duda, kupas na ang lakas ni Pacquiao.  At bawas na rin ang bilis niya.

Diyan aalagwa si Horn.