Una sa Balita

ALAB: Brownlee Ginebra ‘bomber’

By
0 3

Wagi muli ngayon ang Barangay Ginebra kung maging “bomber” na naman si Justin Brownlee.

Sa Game 1, tinigok ng Meralco ang Ginebra, 114-107 dahil 17 puntos lang si Brownlee.

Pero nang bumayo si Brownlee ng 32 puntos sa Game 2, panalo ang Ginebra, 82-79.

Malaking bagay ang karagdagang 15 puntos sa Game 2 ni Brownlee, na kapag nangalabaw ay napakahirap pigilin.

‘Di ba’t humalihaw ng 46 puntos si Brownlee para pangunahan ang pagsipa ng Ginebra sa San Miguel Beer sa Game 5 ng kanilang race-to-three semifinals?

Best import nga si Allen Durham pero sa Game 2, nilupaan siya ni Brownlee at tinangay nito ang Best Player of the Game.

Nadiskaril sa Game 2 si Durham dahil ang nagbantay sa kanya ay hindi si Brownlee kundi si Sol Mercado.

Mala-ispalto sa pagkit ang depensa ni Mercado kay Durham, isa na namang taktika ni coach Tim Cone na umani ng papuri.

Ang matindi, umiskor pa at rumebound si Mercado.

Katunayan, sa putback ni Mercado mula sa mintis ni LA Tenorio ang nagbigay sa Ginebra ng abanteng 81-79 sa huling 28 segundo ng laro.

Naging 82-79 sa free throw ni Tenorio ang pinal na iskor nang dalawang sunod na tres ang minintis ng Meralco, isa dito ay kay Durham.

Kaya’t kapag hindi muli nakahulagpos si Durham kay Mercado ngayon, aangat sa 2-1 ang Ginebra.

Tanghalian nakaumang kay maka-Meralcong Pol Palakol.