Una sa Balita

ALAB: 3 agad nalagas sa Rio

By
0 5

Kakaumpisa pa lamang ng bakbakan pero tatlo na agad ang nalagas sa ating “Lucky 13” sa Rio Olympics.

Huwag nang magulat, magtaka o sumimangot.

Olympics iyan. Pinakamatindi sa lahat. Nari­yan kasi ang pinakamalalakas, pinakamabibilis, pinakamagagaling na atleta sa buong mundo.

Oo nga’t ang ating “Lucky 13” ay pinakamagagaling sa atin.
Pero sa Rio Olympics, kaharap nila ang pinaka mula sa 203 bansa.

Kalaban ng “Lucky 13” sa Rio ay humigit-kumulang sa 12,000 atleta.

Tupi si Ian Lariba sa pingpong, Jessie Alkhaldi sa languyan at Charly Suarez sa boksing.

Lumaban si Lariba pero pader si Han Xing, tubong Tsina na taga-Congo. Tsina ang hari sa pingpong noon pang panahon nina Adan at Eba.

Inasahan ding tigpas agad si Alkhaldi. Sa swimming, sirko tayo magpakailanman. Nasa Rio tayo dahil bawat bansa’y kailangang magpadala ng swimmer sa kada Olympics.

Sa boksing tayo naghinagpis dahil si Suarez ay malakas at magaling. At wari’y abante siya kay Joe Condina ng Wales pero tila kinapos at yumukod sa 2-1 iskor?

Tama si Bobong Pinol: “Laos at luma na ang boxing style natin. Hindi na uubra sa international boxing styles.”

Sana’y palarin si Rogen Ladon sa light-flyweight boxing simula ngayon.

Kung hindi, resayn agad dapat si treyner Boy Velasco. Sa tinagal-tagal niya sa puwesto, pakitang-gilas naman, plis?