Una sa Balita

Aktres tsinugi sa teleserye dahil sa kaartehan

By
0 1,732

Nakakaaliw ang mga kuwento tungkol sa isang medyo nagkakaedad nang female persona­lity na palaging nagbibigay ng problema sa produksiyon kapag kinukuha ang kanyang serbisyo.

Bukod sa kanyang kaartehan ay nagpapalutang din siya ng mga ugaling hindi katanggap-tanggap. Marami siyang tanong sa production staff, marami siyang hinahanap, samantalang ilang dekada na siyang artista at alam na dapat niya ang paraan ng pagpapatakbo ng isang pelikula o serye.

Kuwento ng isang source, “Dinadala niya sa set ang personal problem niya. Affected ang acting niya na hindi naman kahusayan, dinadaan na lang niya ‘yun sa pag-e-emote at pagpapaganda sa harap ng mga camera.

“Kinukuwestiyon niya pati ang flow ng kuwento. Parang gusto niyang maging part ng creative team. Bago kunan ang eksena, binubusisi niyang mabuti ang mga dialogues niya.

“‘Yun daw ba dapat talaga ang sasabihin niya? Parang hindi raw dapat ganu’n. Nagsa-suggest siya, pero siyempre, ikinaiinis ‘yun ng mga sumusulat ng istorya, di ba?

“Pakialaman ba pati ang mga dialogues? E, di huwag na siyang umarte, di ba, magtrabaho na lang siya bilang scriptwriter ng show?” naiinis na kuwento ng aming impormante.

Naiinis din ang female personality kapag nakikita niyang hindi kagandahan ang rehistro niya sa screen. Bakit daw hindi maitago ang mga eyebags niya?

Patuloy ng aming source, “E, kasalanan pa ba naman ng mga cameramen kung malalaki ang eyebags niya? Bakit hindi na lang siya humingi ng tulong sa mga kilalang clinic d’yan para mapaliit ang mga nagmumura niyang eyebags?

“Malaki naman ang kinikita niya, kaya niya namang gastusan ang problema niya, di ganu’n dapat ang gawin niya? Bakit siya naiinis sa mga katrabaho niya?

“Ang mga ‘yun ba ang nagpupuyat para magkaroon siya ng eyebags? Ano tuloy ang ginagawa ng production kapag napupuno na sa kanya?

“Pinalalabas na lang sa story na nagpunta siya sa ibang bansa, magtatagal siya du’n, hanggang sa makalimutan na ang character niya sa serye!” humahalakhak na kuwento ng aming source.

***

Politiko, direktor bigong matikman si Ritz Azul

Maraming nagtataas ng kilay sa naging pahayag ni Ritz Azul na miyembro siya ng NBSB. Samahan ‘yun ng mga kababaihang hindi pa nagkakaroon ng boyfriend mula nang sila’y ipanganak.

Paano raw mangyayari ‘yun samantalang nasa kanya naman ang mga katangiang hinahanap ng lalaki? Maganda na siya at matangkad pa, ano ba ang kulang kay Ritz Azul, kaya hanggang ngayo’y hindi pa niya natitikmang magka-boyfriend?
Pero nagpapakatotoo lang naman ang aktres, totoo ang kanyang sinasabi, never pa siyang nagkaka-boyfriend sa buong buhay niya.

Nanligaw sa kanya nu’n ang isang direktor, kung anu-ano ang inireregalo sa kanya, pero walang nangyari. Hanggang pa-eye-to-eye (read: patingin-tingin) lang sa kanya si direk, ni hindi nga ito pinagbigyan ni Ritz para sa isang date, sumuko ang direktor.

May isang pulitiko ring nagparamdam ng pagkagusto sa dalaga, pero sa unang pagtatangka pa lang ay hindi na ito nakalusot, deadma si Ritz Azul.

Lumang tao si Ritz Azul. Makaluma ang kanyang pana­naw. Lumaki siya sa ganu’n bilang nag-iisang anak. Sa ngalan ng trabaho ay puwede siya sa mga kissing scene kung talagang kailangan, nagpapa-sexy rin siya kung hinihingi ng kanyang role, pero sa pakikipagrelasyon ay birhen pa ang dalaga.

Iilan na lang ngayon ang tulad ni Ritz Azul na nakarating sa ganyang edad na wala pang muwang sa kamunduhan.