Una sa Balita

Aktres super inggit, tinalakan si sosyaling girl dahil sa boylet

By
0 2,365

Inis na inis sa isang nagkakaedad na female personality ang isang richie-richie non-showbiz girl.

Binubulabog daw kasi ito ng kilalang babaeng personalidad, kung anu-ano ang talak na ginagawa sa kanya, pinipigilan lang ito ng kanyang mga sosyaling kaibigan para patulan ang nagpapatutsadang aktres.

Nakita ng tropa ng yayamaning babae ang aktres sa isang bar, may kasama siyang kaibigang beki, may pinanonood silang kilalang banda sa lugar.

Kuwento ng aming source, “Type na type pala ni (pangalan ng medyo nagkakaedad na aktres pero impernes ay maganda pa rin) ang vocalist ng banda. Binabalik-balikan pala ng girl ang mga gigs ng grupo dahil type nga niya ang bokalista.

“Pero nu’ng gabing nasa bar din ang sosing babae kasama ang mga yayamanin niyang friends, e, sa kanila lumapit ang vocalist nu’ng matapos ang set nila. Natural, Spell I ang aktres, inis na inis siya at inggit na inggit!

“Pusa nga lang naman ang hindi nakakakilala sa kanya, pero bakit ang grupo ng mga girls na nandu’n ang nilapitan ng guwapong bokalista? Bakit hindi siya, e, ilang gigs na ng banda ang pinupuntahan niya?

“Inapuntahan ng insecurity ang aktres, nagalit siya sa grupong nilapitan ng band vocalist, lalo na sa magandang girl na mukhang type din ng singer!”­ pasakalyeng kuwento ng aming impormante.

Sa kung paanong paraan ay nakuha ng female personality ang cellphone number ng yayamaning babae. Mula nu’n ay nakakatanggap na ito ng mga negang messages, nagpakilala pa ang aktres sa kanya, tinawag niyang epal at ma­landi ang sosyal na babae.

“Ganu’n daw talaga ang female personality na ‘yun kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya, ayaw na ayaw rin niya nasasapawan siya ng kahit sino, tulad ng yayamaning babaeng ku­mabog sa kanya!

“Aysus naman! Nagkakaedad na si ate, hindi na siya bagets, bakit naman hanggang ngayon, e, ganyan pa rin ang takbo ng utak niya? Hindi naman ngayon at kilalang artista siya, e, siya na ang palaging magwawagi sa laban!

“Maganda pa rin naman siya, pero ang ipinagmamalaki niyang magandang katawan, e, nagpaalam na! Nanay na ang porma niya, hindi tulad nu’n na body beautiful talaga siya na pinagpipistahan ng mga kalalakihan!” pagtatapos ng napapailing naming source.

‘Yun na! (Cristy S. Fermin)

———–

Mga fan ni Bong nagbunyi, nakakaamoy ng kalayaan

Hindi pa man nagdedeklara ang Sandiganbayan na pinawawalang-sala na si dating Senador Bong Revilla ay nagbubunyi na ang kanyang mga tagasuporta. Winasak ng mismong mga testigo ng prosekusyon ang bintang na plunder laban sa aktor-politiko sa pinakahuling pagdinig ng kaso.

At hindi natin masisisi ang mga nagmamahal kay da­ting Senador Bong sa kanilang pagbubunyi, apat na taon nang nakakulong ang kanilang mahal na idolo, pero sa pinakahuling yugto pala ng laban ay mismong mga nagdiin din sa kanya ang magbubukas ng pintuan para sa kanyang pag­laya.

Bakit nga naman? Hindi pa ba sapat na dahilan para mapawalang-sala ang aktor-pulitiko sa naging salaysay ng isang witness na wala siyang dapat panagutan sa kasong isinampa laban sa kanya dahil wala naman siyang direktang kaugnayan kay Mrs. Janet Napoles?

Hindi pa ba senyales sa nalalapit niyang paglaya ang umiiyak na salaysay ng witness na pineke lang ng kanilang kasamahan ang pirma sa mga endorsements na ipinaako kay Senador Bong? Napakalinaw na ng kuwento, walang kinalaman sa asunto ang dating senador, kaya nabuhayan ng loob ang kanyang pamilya at ang maraming nagmamahal sa kanya.

Sa loob mismo ng court room ay walang nakapigil sa pagpapalakpakan ng mga tagasuporta ni Senador Bong. Pinaseselensiyo na sila ng judge, pero parang wala silang narinig, dahil sa matinding katuwaan sa itinakbo ng mga salaysay ng witness.

Nangangamoy-paglaya na ang direksiyon ng kasong binubuno ng dating senador sa piitan. Ilang tulog at gising pa ay napakalaki na ng posibilidad na malapit na natin siyang makasama sa buhay na malaya. (Cristy S. Fermin)