Una sa Balita

Aktres na matulungin sa mahihirap paranoid at kinamumuhian ng staff

By
0 2,785

Ilag at hindi komportable sa aktres ang mga tao na matagal nang nagli­lingkod sa kanya. Kagalang-galang at matulungin sa mahihirap ang image ng aktres pero malayong-malayo ito sa kanyang tunay na ugali.

Kapag dumara­ting sa kanyang opisina ang aktres, tinitiyak ng security personnel na walang mga tao na nakaharang sa daraanan niya dahil tiyak na mapapagalitan sila.

Paranoid ang aktres kapag may nakikita ito na mga bagong mukha sa kanyang paligid. Pinaiimbestigahan agad ng aktres sa kanyang mga tauhan kung sino at ano ang ginagawa ng mga tao na hindi niya kilala na agad na pinapaalis.

Panday ni Coco karapat-dapat sa Children’s Choice Award

coco-martin
Coco Martin

Ibinalik sa mga sinehan at nadagdagan ang viewers ng Ang Larawan nang manalo ito ng best picture award sa 43rd Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival noong Miyerkoles, December 27.

Kabilang ang aktres na si Snooky Serna at ang non-showbiz boyfriend nito na nakita namin na nanood ng Ang Larawan sa Greenhills Promenade Ci­nema noong Huwebes.

May mga bata rin na nanood ng Ang La­rawan dahil PG ang classification ng MTRCB sa pelikula nina Rachel Alejandro at Joanna Ampil.

Ang Ang Panday ni Coco Martin ang pinanood namin sa panga­lawang pagkakataon noong Miyerkoles dahil sa request ng da­lawang bata na aming kasama at idol na idol ang aktor.

Napanood din nila ang Gandarrapiddo: The Revenger Squad at tawang-tawa sila sa mga eksena ni Vice Ganda.

Pagkatapos manood ng Ang Panday, sinabi ng mga bata na kasama namin na gusto nilang ulitin ang pa­nonood kaya hindi nagkamali ang MMFF Jury sa Children’s Choice Award na ibinigay sa pelikula ni Coco.

Ali Sotto 14 years nang mahapdi ang puso

Ali Sotto

Ginunita kahapon ni Ali Sotto ang 14th death anniversary ng kanyang anak na si Miko na binawian ng buhay noong December 29, 2003 nang mahulog siya mula sa condo buil­ding sa Mandaluyong City na tinitirhan niya.

Ramdam na ramdam ng lahat ang sakit ng kalooban na kinikimkim ni Ali mula nang pumanaw ang kanyang anak na bunso dahil sa sinabi niya na “Let the pain remain.”

“Sige’t hayaan na ngang manatili ang hapdi sa aking puso magpakailanman. Pagkat bawat pintig na dala nito ay isa pang sandali na kasama ka.

“Hayaan na ang lungkot ay maghatid ng ulan, kung ‘yun lamang ang paraan. Kung wala nang ibang paraan, upang makapiling kang muli, let the pain remain Miko,” ang makahulugan at heart-brea­king na pahayag ni Ali na habambuhay nang mangungulila sa anak.