Una sa Balita

Aktres, magnanakaw!

By
0 65

Nagpaparamdam sa showbiz ang aktres na gustong i-revive ang acting career niya. Baka mahirapan ang aktres na makabalik sa showbiz dahil bukod sa hindi marunong makisama sa mga kapwa artista, may taglay siyang kalokohan sa katawan.

May isang insidente na nagpunta ang aktres sa sikat na clothing store para bumili ng mga bagong damit. Dinala niya sa fitting room ang mga new arrival at sale items na kanyang nagustuhan.

Pagpasok sa loob ng fitting room, pinagpalit ng aktres ang tag price ng mga new arrival at sale items. Pagkatapos magpanggap na isinukat niya ang mga damit, dumiretso sa cashier ang aktres para bayaran ang mga damit na napili, ang mga new arrival na pinalitan niya ang presyo mula sa tag price ng sale items.

Sa iba, kapilyahan ang ginawa ng aktres pero para sa amin, pagnanakaw ‘yon at hindi siya naiiba sa mga shoplifter. Hindi namin malilimutan ang nangyari dahil kasama kami nang gawin ng aktres ang krimen.

Sinabi niya ang kanyang ginawa, ilang oras matapos na manggaling kami sa clothing shop. Nadismaya kami sa aktres, pinagsabihan namin siya na kasalanan ang kanyang inasal at mula noon, nagbago na ang aming pagtingin sa kanya.

Maxine Medina, suportado ng male producer

Introducing sa Tha Haunted: Spirit of the Glass 2 si Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina. Ang Octoarts Films ang producer ng sequel ng 2004 blockbuster movie na Spirit of the Glass at malaki ang plano ni Boss Orly Ilacad para kay Maxine.

Talent si Maxene ng Mercator Talent and Model Management Inc. ni Jonas Gaffud pero katulong si Boss Orly, ang producer ng Octoarts Films, sa pamamahala sa acting career niya.

Hindi lamang si Maxine ang tinutulungan ni Boss Orly dahil may kontrata rin sa Octoarts Films si Ashley Ortega, ang co-host ni Willie Revillame sa Wowowin at isa sa mga artista ng Super Ma’am ng GMA 7.

Sa November 1 ang playdate ng The Haunted: Spirit of the Glass 2 na mula sa direksyon ni Joey Reyes. Si Reyes din ang direktor ng Spirit of the Glass, ang official entry ng Octoarts Films sa 30th Metro Manila Film Festival at pinagbidahan nina Dingdong Dantes, Alessandra de Rossi at Rica Peralejo.

Atom Araullo, opisyal na Kapuso na

Opisyal na ipinakilala kahapon si Atom Araullo bilang bagong Kapuso talent. Dati nang napapanood si Atom bago ito lumipat sa ABS CBN dahil naging bahagi na siya noon ng isang segment ng 24 Oras, ang Atomic Sports.

Former co-host si Atom ng 5 and Up, ang children’s show na ipinalabas sa GMA 7 noong dekada ’90. Nakasama ni Atom sa 5 and Up sina Chynna Ortaleza, Maxene Magalona, ang magkapatid na Rodjun at Rayver Cruz.

Ginunita kahapon, September 21, ang pagdedeklara ni ex-President Ferdinand Marcos ng Martial Law noong 1972. May mga nag-isip na posibleng itinaon sa Martial Law anniversary ang pagpapakilala kay Atom bilang bagong Kapuso dahil kilala na aktibista ang kanyang ina, si Bayan chairperson Dr. Carol P. Araullo na kasama sa mga lumaban sa administrasyon ni President Marcos. Medicine student at vice-president noon ng student council ng UP si Dr. Araullo.

May nagsabi sa Abante na magkakaroon si Atom ng sariling programa sa GMA 7 at magsisimula ito sa November 2017.

Michael Rivero, hindi na makilala

Cast member ng The Good Son ang nagbabalik-showbiz, ang dating young action star na si Michael Rivero na anak ng veteran actor na si Dante Rivero. Police officer na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng karakter ni Albert Martinez ang role ni Michael sa primetime teleserye ng ABS-CBN na mag-uumpisa sa Lunes, September 25.

Malayung-malayo na ang itsura ni Michael sa Michael na protegee’ noon ng namayapang direktor na si Deo Fajardo, Jr. Nagkaroon ng karakter ang mukha ni Michael nang magkaedad at natuto na rin siyang umarte. Kung hindi magpapakilala si Michael, hindi matatandaan ng publiko na siya ang bida noon sa mga ‘90’s movies na Santo-Santito, Batang.45 at ang Ang Maton at Ang Showgirl.

Janella, hopia sa MMFF slot

Kahapon ang last shooting day sa Star City ng My Fairy Tail Love Story, ang romantic fantasy movie ng Regal Entertainment Inc, na bida sina Janella Salvador at Elmo Magalona.

Nang mag-renew si Janella ng kontrata sa Regal Entertainment Inc., sinabi niya na umaasa siya na magiging official entry sa Metro Manila Film Festival ang pelikula nila ni Elmo. May dahilan para umasa si Janella dahil nakakarating sa kanya ang lahat ng mga positive feedback tungkol sa teaser ng My Fairy Tail Love Story.