Una sa Balita

Aktor na si Julio Diaz timbog sa buy-bust

By
0 1,773

“Nagsisisi po ako, talagang natukso po ako sa droga ,wag sana akong tularan ng mga kabataan, sana patawarin ako ng aking mga fans.”

Ito ang abot-langit na pagsisisi ng premyadong aktor na nadakip ng Meycauayan City police kasama ang kanyang driver nang makumpiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000 matapos kumagat sa inilatag na buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Meycauayan PNP sa harap ng bahay ng aktor sa Brgy. Langka, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Base sa report ni P/Supt. Santos Mera, Meycauayan City police chief, arestado ang aktor na si Julio Diaz, Mariano de Leon y Regaliza sa tunay na buhay, 59, at nasa drug watchlist. Kasamang nadakip ang tulak na si Ronald Gomez, ng Brgy. Langka na nakum­piskahan ng apat na pakete ng shabu na tumitimbang labing-dalawang gramo at drugs paraphernalia sa mismong bahay ng aktor.

Nabatid na pasado alas-12:55 ng madaling araw kahapon nang magkasa ng anti-illegal drug operation ang Drug Enforcement Unit (DEU) ng Meycauayan City police matapos makatanggap ng impormasyon na ang aktor, ikinokonsiderang High Value Target (HVT) ay sangkot sa pagtutulak ng shabu sa kanilang lugar sa Brgy. Langka, at ilang bahagi ng naturang lungsod.

Isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer kung saan kumagat ang aktor at ang kanyang drayber ang tumanggap ng P500 marked money kapalit ng isang pakete ng droga.

Sinabi ng premyadong aktor na nagwaging Best Actor sa Gawad Urian Award noong 1986 sa pelikulang Takaw Tukso at sumailalim sa brain surgery (aneurysm) noong taong 2016 na natukso siya sa paggamit ng droga bagama’t tinangka niyang tumigil sa nasabing bisyo ngunit tila may masamang espiritung tinutukso siya para bumalik sa masamang bisyo.