Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Aksyon para sa mga Nurse

0 14

Magandang balita po dahil sa wakas ay natuloy na rin ang Nurse Licensure Examination (NLE) noong nakaraang July 3 at 4.

Nito lang Biyernes, inilabas na rin po ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta ng ginawang pagsusulit sa Manila, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Pangasinan, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.

Umabot po sa 7,746 ang kumuha ng NLE kung saan may 5,008 ang nakapasa o halos 65% na passing rate. Base sa hawak nating datos, ito po ang pinakamataas mula noong taong 2003. Subalit isa rin po ito sa may pinakamababang bilang ng mga kumuha ng pagsusulit.

Marami po ang matagal nang nag-aabang ng NLE lalo na po ang mga bagong graduate. Magugunitang ilang beses kinansela ng PRC ang schedule ng NLE at iba pang mga board examination mula noong 2020.

Kinikilala po natin si Haydee Bacani mula sa Philippine Women’s University na nakakuha ng pinakamataas na marka na 89.40%. Pagdating naman sa school performance, nanguna ang St. Louis University sa Baguio City na nakakuha ng 100% passing rate.

Sa gitna po ng pandemya, napakahalaga ng ginagampanang papel ng mga Health Care Worker (HCW) tulad ng mga nurse.

Kaya sa lahat po ng 5,008 mga bagong nurse ng bayan, salamat sa pagpupursigi n’yong makapasa sa Nurse Licensure Examination sa kabila ng hirap ng ating sitwasyon.

Sadyang malaki ang magiging ambag n’yo para sama-sama nating masugpo ang salot na bumabalot pa rin sa ating lipunan at para ipanalo ang bayan laban sa COVID-19.

Dahil dito, patuloy po ang ating pag-aksyon para tiyaking mapapangalagaan ang ating mga frontliner. Inilaban po natin ang ₱9-bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 Law para sa Special Risk Allowance. Bawat HCW ay makatatanggap ng ₱5,000 kada buwan mula September 15, 2020 hanggang June, 30, 2021.

Patuloy din po tayo sa pangangalampag sa gobyerno na hangga’t maaari ay tanggalin na ang quota sa mga nurse na dini-deploy abroad. Nagtakda po kasi ng hanggang 5,000 new hires lang ang papayagang mag-abroad kada taon.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Sa ganang atin po ay kung wala rin namang maibigay pang trabaho sa ating mga nurse ngayong may pandemya, hindi na sila dapat pigilan pang makapagtrabaho abroad.

Kinikilala sa buong mundo ang husay at pagiging magiliw sa trabaho ng mga Pinoy nurse. Nitong mga nakaraang araw, nagpadala ng liham sa British Embassy dito sa Maynila si Queen Elizabeth na naglalaman ng pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob sa serbisyo ng mga Pinoy nurse sa UK.

Isang Pinay Nurse din po sa katauhan ni Charito Romano ang nauna nang pinagkalooban ng British Empire Medal para sa natatanging kontribusyon n’ya sa pakikipaglaban sa pandemya.

Hindi po maikakaila na talagang “underpaid” at “overworked” ang ating mga nurse at marami pa rin sa kanila ang kumikita lang ng ₱12,000 kada buwan kumpara sa mahigit ₱150,000 kada buwang sahod ng mga Pinoy nurses na ngayon ay nasa Amerika at UK.

Ang masaklap, marami sa hanay ng mga nurse natin dito sa bansa ang nagbuwis ng buhay dahil sa pagkahawa sa COVID-19. Ilan sa kanila, hindi man lang nabigyan ng sapat na tulong at pag-aaruga ng gobyerno.

Patuloy po nating aaksyonan ang pag-aangat ng dangal ng mga Nurse sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat na benepisyo upang hindi na nila kailanganin pang mangibang-bansa sa mga darating na panahon.

Sa kasalukuyan, dalawa po sa kada limang mga nurse na pumapasa sa board exam ang nag-a-abroad. Kaya ang sektor nila ang target nating maprotektahan ng inaaksyonan nating Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.

Sa pamamagitan ng Free Tuition Law, taon-taon din po nating inaaksyonan ang libreng pag-aaral sa kolehiyo kasama na ang pag-aaral ng nursing. Sa tulong ng Doktor Para sa Bayan Law, may choice na rin ang mga nursing graduate na magpatuloy sa medisina nang walang babayaran at may garantisadong trabaho pang naghihintay pagpasa nila sa board exam.

Yan po ang aksyong kailangan ng mga nurse at health care workers!

Leave A Reply

Your email address will not be published.