Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Aksyon para sa mga kababaihan

0 49

Sumulat po sa atin ang grupong “Connected Women” na pinamumunuan ni Ruth Yu-Owen para tulungang mabigyan ang mga kababaihan ng skills sa “data annotation” sa pamamagitan ng online o web-based training.

Nakita po natin kung gaano kaganda ang kanilang training program na “Artificial Intelligence and Data Analytics” o AIDA. Training po ito para sa mga kababaihan na nagnanais maging mga data annotator. Maaari po silang magtrabaho sa mga kumpanyang gumagamit ng artificial intelligence o smart algorithm sa kanilang pagnenegosyo.

Sa simpleng salita, ang data annotation po ay pagsasama-sama ng magkakaparehong datos para maturuan ang computer na makilala ang mga ito at makapag-isip na parang isang tao.

Target po ng grupo na makapag-train ng 1,000 mga kababaihan ngayong taong 2021. Nauna na po dito ang kanilang pilot batch na binubuo ng 70 kababaihan na nabigyan na rin ng mga freelance job sa data annotation.

Agad po nating inaksyunan ang hiling ng Connected Women at nakipag-ugnayan tayo sa TESDA. Sumulat din po tayo kay Secretary Isidro Lapeña para hilinging pag-aralan ng ahensya ang AIDA at kung paano ito mabibigyan ng scholarship fund.

Swak na swak po ang programa ng Connected Women sa “new normal” at sa tinatawag na “Fourth Industrial Revolution”. Sa katunayan, kinilala sila bilang Asia Finalist noong 2018 sa Inclusive Innovation Challenge ng Massachusets Institute of Technology (MIT) sa Bangkok, Thailand. Naging finalist din sila sa RSA Future Work Awards sa United Kingdom at naging Champion naman sa World Summit for Information Society sa Geneva, Switzerland.

Bago ang pandemya, nakipagpareha ang Connected Women sa programang #SheMeanBusiness ng Facebook na nagtataguyod ng digital marketing para sa mga kababaihan. Dahil dito, may 1,110 kababaihan ang kanilang natulungan.

Dahil sa pag-aksyon natin sa hiling ng kababayan nating Zamboangueña na si Ruth Yu-Owen, nabuo ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng TESDA at Connected Women. Nilagdaan at inilunsad po ito nitong Mayo.

Tulad ng hiling natin kay Secretary Lapeña, tutulungan po ng TESDA ang Connected Women para mabigyan ng recognition ang AIDA bilang “No Training Regulation Program”. Maglalagak din ng scholarship fund ang ahensya at sweldo para sa mga trainer.

Pagtutulungan naman ng TESDA at Connected Women ang pagbuo ng programa para agad magkatrabaho ang mga benepisyaryo ng AIDA tulad ng job referral, OJT placement, at tracking ng employment status ng mga kababaihang graduate.

Dahil sa track record at inspirasyong hatid ng Connected Women, nagsumite po tayo ng panukalang batas sa Senado para mapalawak pa ang mga programang tulad ng AIDA na may malaking potensyal na makapagbigay ng mga trabahong naka-base sa bahay o work-from-home.

Layunin po ng Senate Bill No. 1834 o ang “Philippine Digital Workforce Competitiveness Act” na mas lalo pang mapalawig ang mga training at trabaho sa pamamagitan ng digital technology.

Patuloy po nating inaaksyunan ang pagbibigay ng added labor value sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng upgrading ng kanilang skills para makakakuha sila ng oportunidad sa mga digital careers o ma-promote kung nasa digital jobs na sa tulong ng isa pang batas na isinulong natin sa Senado, ang “Tulong-Trabaho Act”.

Sa sama-sama nating pag-AKSYON, patuloy po tayong makapagbibigay ng masayang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.