Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Aksyon para sa edukasyon

0 239

Halos lahat po ng mga trabaho, gawain o aktibidad na ginagawa nang magkakatabi ang mga manggagawa o konsyumer tulad sa loob ng mga restaurant, eroplano, sinehan, simbahan, at maging mga klasrum ay lubhang naapektuhan ng pandemya.

Subalit kahit saan pong anggulo tingnan, ang sektor ng edukasyon pa rin ang lubhang nasagasaan ng COVID-19. Halos sinalo po ng ating mga eskwelahan ang lahat ng mga negatibong dulot ng matinding pagsalpok ng nasabing sakit sa ating lipunan.

Dahil dito, mahigit isang taon nang nakakandado ang mga silid-aralan. Off-limits pa rin ang mga school campus na dati-rati’y doon ginugugol ng mga kabataan ang buong maghapon nila bago sumapit ang Marso 2020.

Isang sektor lang po ang edukasyon subalit dahil mahigit 30-milyon ng ating populasyon ang nag-aaral, apektado rin ang kabuhayan ng mga guro gayundin ang maliliit na negosyong nakasandal sa operasyon ng ating mga educational institution.

Subalit kung sisipatin pong mabuti, makikita po natin kung gaano kalaki ang epekto ng school closure sa ating ekonomiya.

Tuwing summer break na dalawang buwang halos nasa bahay lang ang mga bata, may pagdausdos po syempre sa antas ng kaalaman nila o ang tinatawag na “summer slide”. Ngayon, dahil 15 buwan na silang nasa bahay, pinapalagay po ng mga eksperto na halos katumbas na rin ito ng pitong “summer slide”.

Sa pag-aaral po ng OECD, sinabi nilang ang mga kabataang mula Grade 1-12 na hindi pa muling nakababalik sa eskwelahan mula nang magsimula ang pandemya tulad ng nangyari sa Pilipinas ay maaaring makaranas ng pagbaba ng kanilang pwedeng kitain sa buong buhay nila. Batay po ito sa pananaw na mas malaki ang kita ng mga taong mas maraming taon ang ginugol sa loob ng mga paaralan.

Kaugnay po nito, maaari din daw makaranas ng pagliit ng Gross Domestic Product (GDP) taon-taon ang mga mga apektadong bansa tulad pa rin ng Pilipinas hanggang taong 3000.

Isa lang po ito sa mga nakikita nating dahilan para gumawa ng mga komprehensibong aksyon para sa edukasyon kasabay ng ginagawa na nating aksyon ngayon tulad ng pagtatayo ng mga smart campus at pag-aangat ng kalidad ng ating mga guro.

Maghapon po nating tatalakayin bukas sa Senado ang estado ng edukasyon sa bansa. Pag-uusapan po natin ang inihain nating Senate Bill No. 1744 na naglalayong amyendahan ang CHED law.

Ang CHED po ang pangunahing ahensyang nangangalaga sa mga kolehiyo at unibersidad kung saan apat na taon o higit pa ang binubuno ng ating mga anak para makakuha ng degree.

Kung palalakasin po natin ang kapangyarihan ng CHED, isa lang po ang pwede nating matiyak sa ngayon: mas maipatutupad ang de-kalidad na edukasyong batay sa mga umiiral na standard.

Aaksyunan din po natin ang matagal nang pinag-uusapang follow-up sa EDCOM na ginawa mula 1989 hanggang 1991. Ito po ang laman ng inihain nating Senate Joint Resolution No. 10 na naglalayong magtatag ng “Congressional Oversight Committee On Education” para magsagawa ng pagtatasa sa educational system ng ating bansa.

Hindi po ba’t taon-taon kung magbigay ng eksamen sa mga bata pero bakit sa mga nagpapatakbo ng edukasyon sa bansa, halos wala tayong regular na ebalwasyon o pagtatasa?

Bakit po mahalaga ang aksyong ito ngayong nasa kalagitnaan tayo ng pandemya? Isipin na lamang po ninyo na parang isang malakas na lindol ang COVID-19 na umuga nang umuga sa tinitiran nating bahay. Ang bahay pong ito ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas na maaari pong nangangailangan ng mga dagdag na pundasyon, haligi, o bubong.

Ang atin pong mga graduate o human capital ang magsasalba at muling magbabangon sa ating ekonomiya. Kapag inaksyunan natin sa lalong madaling panahon ang mga pangangailangan nila kasabay ng pagbabakuna, mas madali nating mapipihit pa-U-turn sa recovery ang ating ekonomiya.

‘Yan po ang aksyong kailangan ngayon ng bayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.