Una sa Balita

Aksyon Lady: Mag-ingat sa katiwaldas ni Mayor

By
0 4

Nakakaloka naman itong ating nasagap na kwento patungkol sa chief of staff ng isang Mayor sa Metro Manila.

Ang modus daw ng katiwala o chief of staff ni Mayor sa isang malaking lungsod ay umikot sa iba’t ibang hanay o service departments ng LGU nila, at humihingi ng pinagkakakitaan ng mga hepe nito.

Ngunit komo walang ganyang mga gawain ang mga hepe dahil mahigpit nilang ipinatutupad ang good gover­nance policy ni Mayor ay pilit nitong pinagagawa ng pagkakakitaan ang mga hepe nito para ibigay sa kanya.

Ang matindi pa raw sa katiwalang ito ni Mayor ay isa raw itong lawyer, ibig sabihin isang katiwaldas at ubod ng takaw.

Pati raw sa mga bidding ng mga procurement ng lungsod, si lawyer ang humaharap sa mga contractor at ang gusto ay laging may overprice para sa kanya.

Delikado ang istilong ito ng bata mo Mayor, mag-ingat at baka sumabog ang ginagawa ng katiwaldas niyo sa mga kamay mo nang wala kang kamalay-malay!

***

Sa kabila ng pagkakabunyag ng sindikato sa likod ng rent-sangla ng mga sasakyan ay mayroon pa ring mga galamay ang grupo na patuloy na naghahasik ng lagim.

Kaya dapat tayong mabahala. Dapat tayong higit na maging maingat.

Katulad na lamang ng isang isang e-mail na ating natanggap tungkol sa isang isinanlang sasakyan ng kanyang kaibigan sa halagang P300K.

Ang sasakyan ang ginawang prenda kasama ang isang open deed of sale dahil ang sasakyan na isinanla daw ay isang buy and sell car.

Dear Ms. Dacer,

Ako po si Alicia Dee. Me gusto lamang po akong isumbong at baka maganda din na makwento niyo ito sa inyong programa.

Me isinanla po sa aking sasakyan ang isang kaibigan ng aking kaibigan sa halagang 300 thousand.

‘Di naman po talaga ako nagpapautang pero dahil me interest po na monthly naisip ko po na kesa nasa bangko lang ang aking ipon ay ito po ay aking kinuha sa bangko at nakaprenda din naman po ang sasakyan.

Kumbaga me collateral ito. Ang dokumento po na aking hawak ay isang open deed of sale at or/cr ng sasakyan.

Sa akin pong pagkawari ay matibay na po itong pinanghahawakan ko dahil nga po nasa akin naman ang sasakyan.

Makalipas po ang dalawang buwan ay nag-follow up ako dahil wala pong interest na binibigay sakin at sinabi naman po ng aking kaibigan na siya daw po ang magpa-follow up.

‘Di ko po nakita ang totoong me ari ng sasakyan dahil nga po ito daw ay buy and sell.

Makalipas po ang ilang araw ay bigla na lamang me dumating sa akin na sulat ng abogado at ako po ay kinakasuhan ng carnapping. Laking gulat ko po at tinawagan ang aking kaibigan.

Wala daw po siyang alam dito at nung amin na pong kino-contact ang taong nagsanla sa akin ng sasakyan ay ‘di ko na po ito ma contact.

Bagama’t tama po ang nasa or/cr at open deed of sale na pangalan. Nung ipa check po namin ito sa LTO.

Iba po ang pangalan na lumalabas dun at hindi po ang nasa hawak ko na or/cr. ‘Di ko po ma-surrender ang sasakyan at ako po ay lalaban kahit ano pa ang mangyari dahil gusto ko pong lumabas dito ang katotohanan.

Ang feeling ko po ay ito ay isang modus operandi na kunwari ay me magsasanla ng sasakyan at para po makatakas sa kanyang obligasyon ay meron naman pong gagawa ng kaso na ang naisanla ay carnap na sasakyan.

Sana po ay magsilbing babala ito sa inyong tagasubaybay dahil alam ko po at naniniwala na me mga ganitong sindikato na kunwari ay ipalalabas na buy and sell para ‘di makita ang tunay na me ari ng sasakyan.

Muntik na po akong masindak pero ako po talaga ay lalaban pero pano po sa mga matatakot na magkakaso.

Palagay ko po ay isosoli na lang nila ang sasakyan at hahayaan na lamang ang nakuhang pera sa kanila.

Babala po ito sa mga maaaring maloko ng mga sindikato. Salamat po at sana ay marami pa kayong matulungan.