Una sa Balita

Aksidente uli sa Quezon Highway: 2 patay, 3 sugatan

By
0 770

DALAWA uli ang namatay habang tatlo ang sugatan sa isa pang karambola ng tatlong sasakyan sa tinaguriang killer highway sa Atimonan, Quezon kahapon nang madaling-araw.

Batay sa report ng Atimonan police, dakong alas-dos nang madaling-araw, magkakasunod na tumatakbo ang dalawang­ truck at isang kotse sa pababang bahagi ng Zigzag road diversion road, Bara­ngay Santa Catalina nang mawalan ng preno ang nasa hulihang Elf truck.

Unang binangga ang kotseng Daihatsu Charade na minamaneho ni Tirso Añes Magistrado, residente ng Iriga City.

Kasunod na inararo ng Elf truck ang hulihang bahagi ng isang aluminum delivery van at saka diretsong bumangga sa isang puno na nasa tabi ng highway.

Nasawi ang dalawang­ sakay ng Elf na sina Arnolfo Macaranas, na siyang totoong driver, at ang pahinanteng si John Erick Malacad na kapwa naipit sa loob ng sasakyan.

Sugatan din ang 21-anyos na nagmamaneho ng Elf truck na si Manjo Bayanay na napag-alaman na pahinate lamang ng nasabing truck.

Sa lakas naman ng impact, tumagilid ang delivery van at nasu­gatan ang driver nito na si Austine Chris De Guia at isang pasahero na si Silver Ocasla Ligutan.

Walang nasugatan sa sakay ng kotse habang ginagamot naman sa ospital sa Lucena City ang tatlong sugatan.

Noon lamang nakaraang araw ng Linggo, da­lawa rin ang namatay at 12 ang sugatan ng magkarambola rin ang tatlong magkakasunod na sasakyan sa nasabi ring lugar.