Una sa Balita

Ako na lang ang patayin niyo — Sylvia Sanchez

0 673

tonite-oh-laban-ka-rey-pumaloyMatapang na isiniwalat ni Sylvia Sanchez ang pinagdadaanan nilang pamilya mula sa mga pagbabanta ng ilang fan ng AlDub. Binantaan ngang papatayin ang kanyang mga anak na sina Arjo at Ria Atayde, at pati na rin ang kanyang mister na si Art.

Hindi na napigilan ni Sylvia ang sariling magsalita kaugnay sa pana­nakot sa kanya ng ilang mga fan ni Maine Mendoza, o ng AlDub Nation, kahit nasa kalagitnaan ng pagpo-promote niya ng lalabas niyang pinagbibidahang pelikula, ang “Jesusa” na dinirek ni Ronald Carballo, at prodyus ng QEPM Productions.

Ayaw sanang pag-usapan ni Sylvia ang tungkol sa isyu, pero minabuti na rin niyang magbigay ng statement sa hiling na rin ng media.

Gumagaralgal ang boses at nanginginig ang mga labi ni Sylvia sa tindi ng sama ng loob sa natatanggap na pananakot mula sa mga taong hindi naman niya kilala.

Nag-ugat ito mula nang mapabalitang nililigawan ni Arjo ang Phenomenal Star at mainstay ng “Eat Bulaga” na si Maine.

“Bukod sa pamba-bash sa aming lahat, nakakita ako ng account na nagsasabi na ‘Patayin si Arjo!’ ‘Patayin natin si Ria!’ ‘Patayin natin si Sylvia!’ ‘Patayin natin ang pamilya Atayde!’

“May isa pang nagsabi na, ‘Arjo, isang bala ka lang!’

“Ako bilang ina sabihin mo na sa akin ang lahat ng masasakit na salita. Laitin mo na ang buong pagkatao ko, halughugin niyo na ang nakaraan ko. Sabihin niyo, patayin niyo na ako…okey lang.

“Pero mabasa ko at sabihing pagbabantaan ang mga anak ko… Tiniis ko lahat since September 2018, bumigay ako nung last Friday dahil ina ako na nagtitimpi. Ina ako na nasasaktan para sa mga anak ko.

“Kahit sinong ina na lalaitin ang anak mo, masakit ‘yun. Pero nang makita ko na sabihin ng mga AlDub Nation fans, hindi naman lahat, kasi naniniwala ako na merong mga fans ang AlDub na mababait, na good heart. Pero meron ding mga bashers talaga.”

Sa puntong ito, tuluyan nang pinangiliran ng luha si Sylvia sa nararamdamang sama ng loob.

“Eto na lang pakiusap ko sa inyo bilang ina. ‘Yung pagbabantaan niyo na patayin si Ria, si Arjo, ‘yung asawa ko…ako na lang! Ako na lang! Barilin niyo ako! Patayin niyo ako! Tanggalin niyo ang buhay ko sa akin tatanggapin ko. Ako na lang!

“Bilang nanay, huwag ang mga anak ko. Nakikiusap ako. Ako na lang patayin niyo!” sabi ni Sylvia.

Tumanggi na sa iba pang tanong tungkol sa isyu ng pagbabanta sa buhay ng kanyang pamilya, ma­ging ang iba pang tanong tungkol kina Maine at Arjo.

“‘Yun lang ang gusto kong sabihin. Nagbabanta kayo na patayin si Arjo, si Ria, ang asawa ko. Nakikiusap ako doon sa AlDub Nation, ako na lang ang patayin niyo.

“Ako na lang na nanay! Pero huwag na huwag ang mga anak ko. Kahit ngayon barilin niyo ako, tatanggapin ko. But not my kids!”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy