Una sa Balita

Ako-Bicol Cong Batocabe todas sa ambush

0 802

ISANG party-list representative na tatakbo bilang alkalde ng bayan ng Daraga, Albay sa May 2019 elections ang nasawi matapos tambangan sa nasabing bayan nitong Sabado ng hapon.

Sa impormasyong ipinost ni ­Albay Rep. Joey Salceda sa Facebook, naganap ang ambush kay Ako-Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa isang co­vered court ng Brgy. Burgos sa Daraga dakong alas-tres ng hapon.

Nagsagawa umano ng gift-giving ang 52-anyos na kongresista sa mga senior citizen at persons with disabilities at habang pasakay na ito sa sasakyan, doon na nilapitan at pinagbabaril ng hindi pa nakilalang suspek.

Naisugod pa sa Ago Medical and Educational Center (AMEC) hospital ang kongresista subalit idineklara itong dead-on-arrival. Nasawi rin si SPO1 Orlando Diaz, escort ni ­Batocabe.

Sa inisyal na report, walong tama ng bala ang bumaon sa katawan ni Batocabe na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito.

Nasa ikatlong termino na si Batocabe kaya’t naghain ito ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Daraga sa ilalim ng National Unity Party (NUP).

Isang task force ang agad namang binuo upang tugisin ang pumaslang sa kongresista na hanggang kahapon ay hindi pa malaman kung may mga kasabwat.
Nabatid na dalawang linggo na ang nakakaraan, nakatanggap ng death threat ang mambabatas sa pamamagitan ng text message kaya’t gumamit ito ng bullet proof na sasakyan.

“He was reportedly shot in the chest –seemingly by a professional hitman to ensure his death,” ayon sa kampo ng kongresista.

Noong Nobyembre naman, nag-post ito sa Facebook hinggil sa pagbisita ng itim na paruparo sa kanyang bahay at dumapo at nanatili nang mahabang oras sa paa ni Virgin Mary grotto.

“A beautiful black butterfly rests for several hours near the foot of our Grotto of the Virgin Mary this All Saint’s Day…somebody’s reminding me kaya?” ayon sa post ni Batocabe sa FB.

Isang abogado si Batocabe na nagtapos ng kanyang Law degree sa University of the Philippines-Diliman.

Nagsimula si Batocabe sa Kongreso bilang researcher hanggang ma-promote bilang Legislative Staff Chief.

Naging bahagi ang nasabing kongresista ng iba’t ibang organisasyon sa rehiyon ng Bicol bago pa man ito maging kinatawan ng nasabing ­party-list.

Sa ilalim ng 17th Congress, si Batocabe ang naging vice chairman ng House committee on dangerous drugs. Kabilang sa mga batas na na­ging author at co-author ang kongresista ay ang batas sa modernisasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), Comprehensive and Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education at Promoting Entrepreneurship and Financial Education among Filipino youth.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More