Una sa Balita

Aiza bumigay sa Intriga

By
0 11,004

NAPILITAN umanong magbitiw sa kanyang puwesto si Aiza Seguerra bilang chairperson ng National Youth Commission (NYC) dahil intrigang namagitan sa kanila ng isang opisyal ng Malacañang.

Sa kuwento ng source ng Abante, nakagalit ni Seguerra ang opisyal subalit hindi pa mabatid ang dahilan o pinag-ugatan ng naging alitan.

Hindi rin tinukoy ang sinasabing opisyal na nakagalit ni Seguerra na naging dahilan ng biglaang pagbibitiw nito sa puwesto bilang NYC chairperson.

Kahapon ay ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pagbibitiw ni Seguerra sa NYC.

Nakarating na aniya sa Office of the President ang resignation letter ni Seguerra na may petsang Marso 5, 2018 at magiging epek­tibo ang pagbibitiw nito sa Abril 5.

Sinabi ni Roque na wala siyang impormas­yon kung ano ang dahilan nang pagbibitiw ni Seguerra kaya’t hintayin na lamang ang magi­ging aksyon ni Pangulong Rod­rigo Duterte.

“Wala pa po akong alam tungkol diyan. What I do know is, the Office of the Executive Secretary has received the resignation of Chairperson Aiza Seguerra. Hindi ko pa po nakakausap si Chairperson Seguerra. Ang kumpirmasyon na maibibigay ko lang ay nakarating na sa opisina ng ating Presidente ang kanyang resignation,” ani Roque.

Sa isang panayam, sinabi ni Seguerra na personal ang dahilan ng kanyang pagbibitiw sa NYC.

Itinalaga sa puwesto si Seguerra noong Agosto 2016 na mayroong tatlong taong termino.

Matatandaang isa ang singer-actress sa mga showbiz persona­lity na tagasuporta ni Pangulong Duterte at tumulong noong panahon ng kampanya.

Samantala, sinabi pa ng source na hindi umano magbibitiw sa puwesto ang partner ni Seguerra na si Liza Diño bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Marami pa umanong plano si Diño sa FDCP kabilang na dito ang pagpapalakas ng suporta sa mga lokal na pelikula na sumasali sa mga film festival sa ibang bansa.