Una sa Balita

Airport cop naaktuhang kumukubra ng ‘kotong’

By
0 14

Maaring masibak sa trabaho ang isang mi­yembro ng Airport Police Department (APD) nang maaktuhan itong humihingi ng kanyang parte sa kotong kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.

Sa ginanap na presscon na ipinatawag ni NAIA general manager Ed Monreal ang miyembro ng APD na si Corporal Joseph Alday ay sangkot umano sa pangongotong na pan­samantalang naka-detain sa APD headquarters.

Sinabi ni Monreal na naaktuhan si Alday na humihingi ng kanyang parte sa kanyang kasapakat sa pamamagitan ng isang video mula sa isang asset sa labas ng arrival public lobby ng Terminal 3.

Idinagdag pa ni Monreal na hindi muna tatanggap ng kanyang buwanang suweldo at benepisyo si Alday habang iniimbestiga­han sa iligal na gawain.

Ayon pa kay Monreal, ipapaubaya na lamang sa Civil Service Commission ang kasong administratibo laban kay Alday at nakatakdang isampa ang kaukulang kasong cri­minal sa Pasay RTC.