Una sa Balita

Aircon na walang freon, naimbento ng tinedyer mula Naga City

0 1,282

ISANG 19-anyos na high school graduate sa Bicol ang nakaimbento ng airconditioning system na energy-efficient, hindi nagbubuga ng polusyon sa ating kalikasan.

Sa imbensyong ‘AirDisc’ ni Maria Yzabell Angel V. Palma, nagtapos sa Philippine Science High School-Bicol campus, hindi na kailangan pang lagyan ng freon ang inimbento niyang aircon kaya’t wala itong idinudulot na polusyon.

Makatitipid din sa kuryente ang gagamit nito dahil sa aandar ito sa ‘low power’.

“One of the advantages of AirDisc is that it only uses 350 watts of power consumption, compared to 1,200 watt power consumption of the traditional air conditioners,” paliwanag ni Palma.

Kung mapupulido ang prototype aircon, maaari pang ibaba sa 150 watts ang konsumo ng 0.5 horsepower unit.

Ang imbensyon ni Palma ay nagwagi na ng mga gold medal sa World Inventors Contest 2017 sa South Korea, International Invention Innovation Competition 2017 sa Canada at 2018 International Intellectual Property Invention, Innovation and Technology Exposition sa Thailand.

Isa rin si Palma sa dalawang awardee ng 2018 Jesse M. Robredo Youth Awardee.

Ipinarehistro na ni Palma ang patent sa Pilipinas, at sa United States Patents and Trademark Office (USPTO).

Plano ngayon ng anak ng negosyanteng si Bernando Palma ng Naga City na mag-aral sa Dela Salle University sa Maynila at kumuha ng kursong mechanical engineering.