Una sa Balita

Air medical evacuation vs dengue outbreak sa Batanes

By
0 689

NAGSAGAWA ng air medical evacuation ang Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command (AFP-NOLCOM) para sa mga pasyente ng dengue sa isang isolated area sa Itbayat, Batanes matapos na tamaan ang bayan ng dengue outbreak.

Ang air medical evacuation ay isinagawa ng Nolcom bilang tulong sa request ni Batanes Governor Mari­lou Cayco, partikular sa bayan ng Itbayat dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng dengue sa lugar.

Napag-alamang mula lang Hulyo 4 ng taong ito ay 23 kaso na ng dengue ang naitala sa bayan ng Itbayat at tatlo sa mga ito ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa mabilis na pagbaba ng platelet at kailangang bigyan ng agarang atensyon medikal at ibyahe patungo sa pagamutan sa Batanes General Hospital sa bayan ng Basco.

Napag-alaman na ang nag-iisang ospital sa bayan ng Itbayan ay walang kakayahang­ gumamot ng mga dengue patient at ang ta­nging transportasyon lang para makapunta sa bayan ng Basco upang doon ipagamot ang mga biktima ay sa pamamagitan ng bangkang de motor pero dahil sa sama ng panahon at naglalakihang alon sa dagat ay imposible ng makapag­layag.

Isang dengue victim na rin ang nasawi sa bayan ng Itbayat habang apat pa ang kasalukuyang dinala ng Air Medical Evacuation sa Basco, Batanes.

Sa ngayon ay dalawang doktor na mula sa Batanes General Hospital ang ipinadala na sa bayan ng Itbayat upang sumuri ng mga dengue victim at upang mapigilan na rin ang pagkalat ng epidemya.