Una sa Balita

Aiko umamin sa pantasya kay Marian

By
0 27

Matagumpay na nairaos ng mga miyembro ng Phi­lippine Movie Press Club (PMPC) ang kanilang 31st Star Awards for Television na ginanap sa Henry-Lee Irwin Theater sa Ateneo De Manila University.

As usual, ang lakas ng sigawan ng mga utaw nang tawagin ang pa­ngalan ni Alden Ri­chards bilang winner ng Best Single Performance By An Actor para sa Lenten Special ng Eat Bulaga na ­Ka­patid.

Grabe, as in masakit sa tenga ang nakakatulig na sigawan ng mga nasa audience. Ganu’n din ang nangyari nang dumating si Joshua Garcia na dumaan sa mismong audience entrance, although marami ang nadismaya na walang Julia Barretto na duma­ting.

‘Yun pala ay nasa shooting ito ayon mismo kay Joshua na mag-isang tumanggap ng special award na German ­Moreno Power Tandem kung saan si John Nite ang nag-re­present sa yumaong ­Master Showman.

Pinasaya naman ni Vic Sotto ang lahat ng ­Ading Fernando Lifetime Achievement Awardee dahil sa mga biro niya na ang tumatanggap daw nito ay ang mga may edad na o magkaka-edad na samantalang 53 years old lang naman daw siya.

Aba, kung hindi nga raw sa pagpu-push sa kanya ng kanyang asawang si Pauleen Luna ay baka hindi siya pumunta. Pero, joke time lang daw ito dahil kahit ano ang mangyari ay pupunta siya para tanggapin ang award na ito na hindi raw lahat ay nabibigyan.

Bukod sa kanyang asawa, inialay niya ang award na ito sa kanyang anak na si Talitha at mga Dabarkads niya sa Eat Bulaga lalong-lalo na raw sa ‘kapatid’ niyang si Joey de Leon at ‘best friend’ na si Tito Sotto.

Sigawan din ang mga utaw sa production number nina Elmo Magalona at Janella Salvador.

Again and again, ilang ‘tie awards’ ang ipinamahagi ng PMPC, pero ang tumatak ay ang pagta-tie nina Dingdong Dantes at Ruru Madrid para sa kate­goryang Best Drama Actor.

Si Dingdong para sa teleseryeng Alyas ­Ro­bin Hood, at si Ruru para naman sa Encantadia.

Inialay ni Dingdong ang kanyang award sa kanyang asa­wang si ­Marian Rivera na kasama niyang dumalo at sa kanilang anak.

Si Ruru naman na na­ging emosyonal ay ini­alay sa kanyang lo­lang namayapa na at ­siyang numero ­unong tagaha­nga raw niya.

Maraming kategorya na hindi nakadalo ang mga mismong winners katu­lad nina Vice Ganda na nasa New ­Zealand pa, si Boy Abunda na may prior commitment, si Willie ­Revillame at ilang newscasters.

Napatili naman si Aiko Melendez nang tanggapin niya ang kanyang award bilang Best Drama Supporting ­Actress para sa Wildflower. At wala siyang paki na ianunsiyo na girl crush niya si Marian Rivera kaya natuwa siya nang makita niya ito sa harap ng upuan.

Madamdamin din ang mensahe ni Ms. Sylvia Sanchez na siyang nagwagi bilang Best Drama ­Actress sa kanyang very well-­deserved na performance sa The ­Greatest Love.

For the nth time, ang ABS-CBN ang nanalong Best Station sa kategoryang ito.

Robi Domingo dedma sa ‘Sandaraaaaa’

Robi Domingo

Grabe ang kantiyawan ng mga utaw kay Robi Domingo na isa sa co-hosts ng 31st Star Awards for Television kapag umaakyat sa stage ang ex-dyowa niyang si Gretchen Ho para tanggapin ang awards ng mga show na kinabibila­ngan niya.

Deadma si Gretch sa mga sigawan na may halong pangangantiyaw, samantalang si Robi naman ay hindi ma­l­a­man ang iri-react pero halata sa face niya na parang nahihiya siya at hindi malaman kung babatiin ba si Gretch, o lalapitan.

Pasimpleng nagmi-make face na lang ito sabay paypay ng hawak niyang cue cards para sabayan ang trip ng mga utaw. May mga sumigaw pa nga ng Sandara Park, pero parang wala itong naririnig.

Parang nagbiro pa nga ito na alam na niya raw ang dahilan kung bakit siya ang kinuhang isa sa hosts dito.

Nabawi naman ng pagkagulat ang kanyang mukha nu’ng siya ang inanunsiyo na Face Of The Night – Male kung saan tumanggap siya ng ilang regalo.

Pakiramdam namin ay mahal pa nito si Gretchen kung pagbabasehan ang ilang mga panakaw na sul­yap sa dati niyang kasintahan. Kita pa nga namin ang pag-‘hay’ nito habang papunta sa backstage matapos ang segment na ‘yun.