Una sa Balita

‘Ahon Laylayan’ sigaw ni VP Robredo sa eleksyon

By
0 643

INILUNSAD ni Vice President Leni Robredo ang Ahon Laylayan Koalisyon na naglalayong paigtingin ang partisipasyon ng mga mamamayan sa mga usapin at gawain sa pamahalaan sa pamamagitan ng People’s Council.

Naniniwala si Robredo na lalakas ang boses ng mga sektor kapag nagkaisa sila para matugunan ang mga pangangaila­ngan ng mga mahihirap o nabibilang sa laylayan ng lipunan.

“Ito po ang layunin ng Layla­yan Koalisyon: na isama kayo sa bawat hakbang ng pamumuno. Binuo natin ang kilusang ito para iangat ang boses ng ordinaryong Pilipino. Walang maiiwan, walang etsa-puwera – kasama ang lahat,” ani Robredo.

Kabilang ang Bise Presidente sa mga matagal nang nagsusulong ng people empowerment para mahikayat ang mga mahihirap na magsalita at maiparating sa gobyerno ang kanilang mga pa­ngangailangan.

Sa idinaos na pagtitipon sa University of the Philippines (UP) Diliman, kinatigan din ng mga kandidato ng Otso Diretso ang layunin ni Robredo na palakasin ang boses ng mga mahihirap para direktang malaman ng gobyerno ang kanilang mga hinaing.

Pinakinggan din ng mga kandidato ang mga sentimyento ng mga ito at nangako sila na kikilusan nila ito kapag nabigyan sila ng pagkakataon na maging bahagi ng gobyerno.

Bahagi rin ng Ahon Laylayan Koalisyon ang paglagda ng mga sektor at ng mga kandidato ng isang kasunduan na nagpapatunay ng pagkakapit-bisig nila sa mga hakbang upang matulungan at mapalakas ang mga nasa laylayan.

Sinabi ni Robredo na kabilang dito ang pagpili ng mga lider na handang makinig at matuto sa taumbayan.

Ang pakikinig at kahandaan na matuto pa ng ilang bagay ang mga katangiang taglay ng mga kandidato ng Otso Diretso na matagal nang naglilingkod sa bayan sa iba’t ibang paraan.

“Nakasalalay sa inyong desisyon ang isang mas responsable at inklusibong gobyerno at nandito ang Otso Diretso na handang makinig at matuto,” ayon pa kay Robredo.