Ahensyang hawak ni Andanar, sumablay na naman

By ,

Sa pangatlong pagkakataon, sumablay na naman ang Philippine News Agency (PNA) matapos mapuna ang maling logo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na lumabas sa online news site ng ahensya.

Sa halip na logo ng DOLE ang nakapaskil sa www.pna.gov.ph, ang logo ng Dole Philippines na isang producer at marketer ng prutas ang nagamit na logo para sa news article patungkol sa anunsyo ng regular/special holidays sa 2018.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, pinaiimbestigahan na niya ang sablay na pagpaskil ng PNA sa logo ng labor department.

Sinabi ni Andanar na hihintayin muna ng PCO ang resulta ng imbestigasyon kung ano ang nangyayari sa PNA, at kung ito ba ay sinadya o honest mistake.

Iginiit ng kalihim na bibigyan pa rin ng ‘benefit of the doubt’ ang mga empleyado ng PNA na sangkot sa dalawang magkasunod na malaking pagkakamali sa pagbabalita.

Dalawang empleyado ng PNA ang sinibak noong unang sumablay ang state-owned news agency dahil sa sablay na news article.

Pumalpak ang artikulo ng PNA na may pamagat na “Urban warfare a challenge for soldiers in Marawi” na napaskil sa website ng ahensya noong Mayo 27, 2017. Ginamit na larawan ay isang eksena noon pang Vietnam War sa halip na litrato ng mga sundalong nasa Marawi.

Isa pang sablay na balita ng PNA ang napaskil na artikulo sa kanilang website na “95 states convinced there are no EJKs in PHL” noong Mayo 15, 2017 na pinabulaanan ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing.

Tiniyak ni Andanar na kapag napatunayang sinadya ang mga pagkakamali, haharap sa matinding disciplinary action, suspension o pagkasibak ang sangkot sa palpak na logo ng DOLE.

SHARE