Una sa Balita

Aguirre may nilulutong kaso kay Hontiveros

By
0 1

Nakita sa sariling cellular phone ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang text message nito sa isang pinaniniwalaang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na bilisan ang pagsasampa ng kaso laban kay Sen. Risa Hontiveros.

Ang text message ni Aguirre sa isang “Cong. Jing” ay nakunan ng litrato nang dumalo ito sa imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.

“Sa unang tingin, walang kakaiba sa lara­wang ito, lahat naman tayo ay napapasilip-silip sa cellphone sa gitna ng Senate hearing. Ngunit, nabahala ang kumuha nu’ng in-enlarge niya ang larawan ni Ginoong Aguirre.

The photographer was inadvertently able to capture the text message exchange on the screen of the phone of the DOJ Secretary,” wika ni Hontiveros sa isang privilege speech kahapon.

“Babasahin ko po ang nakalagay. ‘TEXT SA KANYA NG KAUSAP NIYA: Naturuan na ni Hontiveros ang testigo. Her questions are leading questions. REPLY NI SEC. AGUIRRE: Yon nga sinasabi ko dito. Very obvious. Kaya nga expedite natin ang cases niyo vs her,” paglalahad ng senadora.

Naniniwala si Hontiveros na ang ka-text ni Aguirre ay si dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras, miyembro ng VACC, ang grupong naghain ng impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Isiniwalat pa ni Hontiveros na si Jacinto, kasama si Atty. Ferdinand Topacio ng VACC, ay sumugod sa kanyang tanggapan noong Set­yembre 7 upang bawiin ang tatlong testigo sa pagpatay kay Kian.

Kasama nina Jacinto at Topacio ang ama ng tatlong testigo na si Roy Concepcion na kalalaya lamang sa Caloocan City Jail.

“Is the DOJ Secretary plotting a case against a sitting Senator while a Senate proceeding is going on, right inside the Senate session hall?” tanong ni Hontiveros.

Dahil dito, iginiit ng senadora ang agarang pagbibitiw ni Aguirre dahil labag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang ginawa ng kalihim.