Una sa Balita

Agri-tech ng Israel inendorso ni Tolentino

0 76

INIMOK ni Political Adviser to the President Francis N. Tolentino ang publiko na ma­ging interesado at suportahan ang urban agriculture upang matugunan ang sitwasyon sa supply ng pagkain sa ilang bahagi ng bansa.

Inihalimbawa ni Tolentino ang hydropho­nics technology ng Israel bilang tugon ng nasabing bansa sa kawalan ng lupang pagtataniman ng pananim­ na maaaring kainin.

Nasa Israel si Tolentino bilang bahagi ng opisyal na delegas­yon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tatalakayin ang mga isyung mahalaga sa parehong bansa, kabilang ang pagtutulungan sa agrikultura, kapakanan ng mga OFW at marami pang iba.

Ayon kay Tolentino, magandang halimbawa ang Israe­l pagdating sa agrikultura sa paggamit nito ng hydropho­nics. Ang hydrophonics ay isang paraan ng pagpapalago ng halaman sa solusyon na mayaman sa nutrisyon.

Ayon pa kay Tolentino, noong mayor pa siya ng Tagaytay City, may ilang Israeli technologists ang nagpunta sa siyudad at ipinakilala ang na­sabing pamamaraan.

Paliwanag ni Tolentino, ang pinakamala­king benepisyo ng hydrophonics ay ang maikling panahon sa pagpapalaki ng halaman subalit mas marami naman ang ani.

 Ito’y dahil sa tulong ng solusyon na siyang nagsi­silbing pagkain ng mga halaman habang hindi naman naaapektuhan ng sa­kit, peste at damo ang paglaki ng mga ito. Handa na ring ibenta ang mga nasabing halaman dahil wala nang aalisin pang lupa mula rito.

Bukod pa rito, ang hydrophonics ay isang paraan na hindi nakasasama sa kalikasan­ dahil walang kaila­ngang gamiting lupa, pestisidyo at mapa­nganib na pataba.

Para kay Tolentino, malaki ang maitutulong ng hydropho­nics para mapalakas ang supply ng pagkain sa bansa sa mas maikling panahon kumpara sa pagtatanim sa lupa.

Ayon pa kay Tolentino, dapat agad na matugunan ang nakaambang krisis sa pagkain kaya dapat mas mabilis na solusyon ang kaila­ngang ipatupad.