Una sa Balita

Agosto Beinte Uno

0 676

“Crying Boy with Crying Lady,” ito sana ang naging ‘caption’ ng lara­wan kong umiiyak sa tarmac na lumabas sa mismong ‘front page’ ng Inquirer isang araw matapos ang nakalipas na Agosto Beinte-uno, ika-36 na taong kamatayan ni Ninoy Aquino, kung alam lang ng mga tao ang nakapahalagang konteksto ng nangyari sa akin.

Isang araw bago mag-Agosto Beinte-uno, inanyayahan ako ni Cecille Guidote Alvarez ng Ninoy Aquino Movement na makilahok sa gaganaping paggunita sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mismo. Bata pa ako nu’ng huli akong pumunta doon. Magpasabi raw ako kung pupunta dahil papayagan kaming makapasok sa mismong tarmac kung saan bumagsak si Ninoy matapos barilin noong 1983. Hindi basta-basta nakakapasok doon dahil sa higpit ng seguridad kaya naman kinuha ko talaga ang oportunidad.

Maulan ang umaga kinabukasan pero tinuloy pa rin namin ang pag-aalay ng bulaklak. Hindi maipagkakaila na mahalaga ang ikutang-pangyayari na ito sa ating kasaysayan dahil ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Kalihim ng Ugna­yang Panlabas at ang Tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ay nagpadala ng kanilang sugo. Mayroon palang marker na ‘silhouette’ ng nakadapang Ninoy na inilagay sa ‘departure curve’. Nagsama-sama muli ang mga lumaban para sa demokrasya noon: Senador Heherson Alvarez, Ma-an Hontiveros, Fernando Peña, Christopher Carrion at iba pa. Pero may napansin akong pamilyar na mukha, at tinanong ko siya, “Ma’am kayo po ba si Rebecca Quijano?” Sumagot siya ng oo. Sabi ko, “Hindi ko po akalain na makikilala ko kayo sa tanang buhay ko. Karangalan po ito”

Related Posts

Si Rebecca Quijano. Nakasakay din siya sa China Airlines Flight 811 na lulan si Ninoy. Matapos mabaril ang dating senador, nakita siya ng mga reporter na ‘hysterical’ at sinasabing, “Why aren’t you in tears? They killed Ninoy.” Binansagan siyang ‘Crying Lady’. Tumestigo siya sa Sandiganbayan na sumilip siya sa bintana ng eroplano at nakita niyang ang isa sa mga sundalo ang bumaril kay Ninoy sa likuran sa hagdan pa lamang. Kaiba ito sa sinasabi ng pamahalaan noon na si Rolando Galman ang bumaril. Hinarap niya lahat ng pananakot upang sabihin ang katotohanan.

Matapos ang pag-aalay ng bulaklak sa plake kung saan nangyari ang krimen, habang nagsasakayan na sa bus ang mga tao, hindi ko na napigilan ang sari­li ko. Pinagbubuntis ako ng nanay ko nang makita nila ng tatay ko na dumaan ang kabaong ni Ninoy. Matapos ang kay Rizal, ‘Ninoy: The Willing Martyr’ ang sumunod na aklat na binasa ko sa aklatan ng Tarlac. Ang sakripisyo niya ang nagpaalab ng pagkamakabayan ko. Buong buhay ko nang pinag-aaralan ang buhay niya. At sa lugar na iyon naganap ang lahat. Nagpasalamat ako kay Ninoy. Hinawakan ako sa likuran ni Ma’am Bec ay umiyak kami saglit. Nilinis ng ulan ang tarmac, nilinis ng luha namin ang bigat na aming nararamdaman.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy