Una sa Balita

Agarang lunas sa coronavirus

0 257

Noong nagdeklara ang WHO ng global emergency dulot ng nCoV, nataranta ang buong mundo. Nagkaubusan ng surgical mask. Walang mabili sa mga parmas­ya at malalaking grocery shop. Natakot na mahawa ang mga tao. ‘Pag may nakakatabing Chinese, umiiwas. Nakamaskara ang mga tao. Nagmaskara na simula nang pumutok ang Taal, ngunit nagtuloy-tuloy ang pagsuot nito simula nang pumutok ang nCoV.

Ang alam lang ng mga tao ay galing Tsina, sa Wuhan. Kung saan marami na ngayon ang naitalang namamatay at dami nang tinamaan ng sakit.

Saka lang umaksiyon ang pamahalaan nang may pagpigil sa pagdating ng mga dayong Tsino dito sa bansa nang may namatay na Chinese national. Ang kauna-unahang casual­ty sa labas ng mainland China. Kailangan munang may mamatay bago agarang umaksiyon ang administrasyon.

Mahirap talagang espilengin ang moves ng administrasyon tungo sa mga dayuhang Tsino.

Tila anong virus ang na-acquire ng administrasyon kung bakit sa halip na agad depensahan ang kalusugan ng mamamayan ay siya naman ang pagkaduwag nito sa mga da­yong Tsino. Kung wala pang namatay marahil tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap sa mga tu­ristang galing Tsina.

Ngayon, maging sa simbahan, sa misa, dahil sa pag-iingat, ipinagbabawal pansamantala ang paghawak-hawak ng mga kamay habang kinakanta ang Ama Namin. At maging ang pakomunyon, hindi na sinusubo ng pari sa bibig ng taong ang ostya, bagkus, iniaabot sa palad.

Kinansela ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Baguio ang opening ceremony ng Panagbenga Flower Festival.

Binabawalan ang mga estudyante na pumunta sa mga event na may maraming tao. Ayaw magkahawaan.

Iyan ang panic mode na dulot ng nCoV sa buong mundo. Tila sarado na ang Tsina at nailayo na sa mundo. Nag-iisa.

Agarang lunas at aksiyon laban sa virus na ito ang daing ng mga tao nang maibsan ang pangamba, nang maiwasan ang diskriminasyon. Nang manumbalik ang tiwala ng mga tao sa Tsina. Kahit na ‘di talaga natin sila ikinatutuwa dahil sa pangangamkam nila sa ating teritoryo. Ngunit alang-alang sa mga ino­sente na naapektuhan ng matinding virus na ito, nawa’y agarang lunas, nang bumalik na sa happy mode ang buong mundo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More