Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Agarang ayuda sa mga biktima ng kalamidad tinupad ng gobyerno

0 252

Matindi ang naging epekto ng mga bagyong nagdaan sa ating bansa nitong nakalipas na mga linggo, partikular na sa bahagi ng Bicol, Cagayan Valley at maging sa Metro Manila.

Maraming mga bahay at mga pananim ang nawasak bunsod ng malakas na hangin at pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa bansa dulot nang pananalasa ng mga bagyong Rolly at Ulysses. Ang pinakamasaklap ay ang mga nawalang buhay dahil sa hagupit ng kalikasan.

Kaugnay nito, agad na lumipad si Pangulong Duterte kasama ang ilang miyembro na kanyang gabinete sa mga lalawigan na direktang naapektuhan ng mga nagdaang mga bagyo. Personal na nakita ng Punong Ehekutibo ang matinding pinsala sa mga lugar na ito na dinaanan ng mga ‘Super Typhoon’. Pinulong din ang mga lokal na opisyal upang masiguro ang agarang pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.

Upang mas mapabilis at maging epektibo ang pagtugon ng pamahalaan sa mga biktima ng iba’t-ibang kalamidad, inanunsyo ng Pangulong Duterte ang pagtatatag ng isang task force na tututok dito. Ito ang mangunguna sa pagtitiyak na maibibigay ang lahat ng mga pangangailangan ng ating mga kababayan na tinamaan ng kalamidad. Tinawag itong ‘Build Back Better Task Force’ na magpa-plano at magpapatupad sa mga pangunahing hakbang ng gobyerno kaugnay ng ‘calamity response’.

Hindi kayang mapaligaya ng Pangulo ang lahat at tulad ng inaasahan, may iilang grupo pa rin ang nagpapalutang ng mga negatibong isyu laban sa gobyerno. Nagpapatuloy ito maging sa panahon na ang ating bansa at mga kapwa Pilipino ay humaharap sa hamon ng kalikasan at Covid-19.

Gayumpaman, hindi nagpatinag ang ama ng ating bansa. Malinaw ang mensahe ng Pangulong Duterte sa lahat ng mga naging biktima ng kalamidad: “No one will be left behind.”

Kongkretong patunay ng pangakong ito ay ang P16.8 bilyong pondo na nakalagak para sa national disaster risk reduction management (NDRRM) ng gobyerno. Nakapaloob dito ang idinagdag na P10 bilyon para sa calamity funds na inaprubahan ni Pangulong Duterte kamakailan. Dagdag panggastos ito para sa mga nasalanta ng bagyong Rolly at Ulysses, maliban pa sa paunang P5 bilyon, ayon sa Department of Budget Management o DBM.

Nakapag-palabas ang Department of Agriculture ng P846 milyon at karagdagang P18 milyon upang maipangbili ng bigas na ibibigay sa bawat bayan sa lalawigan ng Cagayan. Nagpaabot naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P50 milyon para maitustos sa “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers” o ‘TUPAD’. Isa itong programa na emergency hiring ng mga maglilinis sa mga apektadong lugar.

Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ay nakapag-lagak na ng P1.6 bilyon para sa mga imprastrakturang itatayo sa Region 2.

Bilang mambabatas, nais nating bigyang pansin hindi lamang ang mga nasalanta, kundi maging ang magigiting nating mga rescuers, mga bumbero at mga pulis. Ating naging panawagan sa mga kasamahan sa Senado na pataasin ang budget para sa kanilang search and rescue operations. Alam nating hindi biro ang mga panganib na hinaharap ng ating rescuers. Nararapat lamang na bigyan natin sila ng sapat na pondo upang masigurado na kumpleto ang kanilang mga kagamitan sa pagliligtas.

Kaisa tayo sa adhikain ng gobyerno at ng pangulo na masigurong ligtas at maayos ang kalagayan ng bawa’t isa sa ating mga kababayan. Sana ay tumugon tayo sa panawagan na isapuso ang pagbabayanihan at patuloy na maging matatag sa pagharap sa mga hamon sa buhay. At higit sa lahat, manatili tayong nagkakaisa sa pagtawag sa Panginoon upang tayo ay patuloy niyang patnubayan at pagpalain sa mga darating pang panahon.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.