Una sa Balita

Agad sanang maipatupad

By
0 157

Nilagdaan ni PDu30 ang batas na tatawaging ‘The Philippine System Identification Act’ o PhilSysAct. Layon ng batas na magtatag ng ­iisang sistema ng pagkakakilan o ‘identification’ para sa mga Filipino at dayuhang mananatili sa bansa.

Sa pamamagitan ng PhilSysAct, inaasahang mapabibilis ang transaksiyon sa gobyerno, mababawasan ang katiwalian, at makakatulong para maenganyo ang publiko na mag-impok sa bangko.

Hindi na mahihirapan ang mga ordinaryong Filipino na makipag­transaksiyon sa mga bangko na humihingi ng dalawang ID na isyu ng gobyerno.

***

Walang dapat katakutan kung walang itinatago. Mga kriminal lang ang tututol sa National ID System.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), libre ang Natio­nal ID na naglala­yong pag-isahin ang mga impormasyon mula sa Social Security System, GSIS, BIR at PhilHealth.

Ang mga driver’s license at passport ay hindi saklaw ng PhilSysAct dahil may expiration ito at kailangang ‘i-renew’.

Ayon sa PSA, dara­ting ang panahon na ang lahat ng mga bagong silang na mga Filipino ay agad bibigyan ng ‘numero’. Permanente ang nume­rong ito mula pagsilang hanggang sa mamatay.

***

Masyadong naabuso ang paggamit ng mga ‘identification card’ na pinagkakakitaan ng mga mukhang pera. Naglipana ang katakot-takot na ID mula sa PNP, militar, Anti-Crime Organization, mga vo­lunteer group at iba pang grupong-sibiko na minsan ay ginagamit sa pangongotong o para makaligtas sa mga umiiral na batas sa bansa. Malusaw na sana ang lahat ng ito. Mas marami ang kapakinaba­ngan sa pagkakaroon ng iisang sistema ng pagkakakilanlan ng mga Filipino.

Marami pa rin ang walang government issued ID, kaya naman hirap pumasok sa mga transaksiyon o kontrata. Malaking tulong ang National ID System sa mga maliliit na mangagawa at negosyante na kapag pumunta sa bangko para mag-encash ng tseke ay hindi na hihingan ng dalawang government issued ID.

Sana lang ay may sapat ng ‘security features’ ang National ID na hindi kayang makopya ng mga taga-Avenida at Claro M Recto.

Sa sistemang ito, ang mga kriminal o miyembro ng sindikato, kahit na makakuha pa ng ID, tiyak matitiklo sa oras na masita o ma-involve sa gulo.