Una sa Balita

AFP yuko sa ‘refinement order’ ni PNoy

By
0 2

Handang sumunod ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippies (AFP) sa ibinabang kautusan ni outgoing President Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na magkaroon ng tinatawag na ‘refinements’ sa operasyon laban sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Maj. Felimon Tan Jr., spokesperson ng Western Mindanao Command (WestMinCom) bukas ang hanay ng militar sa mga pagbabago o adjustments sa kanilang opensiba laban sa bandido.

“Susundin namin ang direktiba ni Pangulong Aquino, hindi dahil siya ang commander in chief kundi ay para matiyak lamang ang kaligtasan at kalayaan ng dalawang natitirang bihag ng ASG,” wika ni Tan.

Una nang iniutos ng Pangulong Aquino sa Jolo, Sulu na magkaroon ng “refinements” sa ope­rasyon ng militar laban sa mga bandido.

Sinabi ni Tan na iginagalang nila ang “strategic” decision ng national leadership na kailangan nilang maipatupad.

Matapos ang pagpugot sa dalawang Canadian national na bihag na sina john Ridsel at Robert Hall, muling nagbanta ang ASG na may pupugutan muli sila sa dalawang natitirang bihag, partikular ang Norweigan na si Kjartan Sekkingstad.

Bihag din ng ASG ang Pinay girlfriend ni Hall na si Marites Flor.

Samantala, hanggang sa ngayon ay bigo pa rin ang militar at pulisya na hindi makita ang bangkay ni Hall, na pinugutan noong Hunyo 14 matapos hindi magbayad ng P300 milyon ransom kung saan nakita ang pugot na ulo nito sa malapit sa Carme­lite Cathedral sa Sanchez St., Jolo, Sulu bandang alas-nuwebe ng gabi na nakabalot sa isang plastic bag.