Una sa Balita

AFP, DND walang pondo sa pagtatayo ng naval chain

0 409

Kinuwestiyon ni Senador Francis Tolentino ang pamunuan ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kawalan ng pondo para sa pagkakaroon ng naval chain station sa Pilipinas gayung tumitindi ang tensyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa deliberasyon sa Senado ng panukalang 2020 budget ng DND, ipinagdiinan ni Tolentino ang paulit-ulit na insidente na may mga pumapasok na Chinese vessel sa teritoryo ng Pilipinas nang walang paalam sa ating gobyerno.
Nangangamba ito na maulit ang mga kahalintulad na insidente dahil walang naval chain sa bansa.

“Several months ago two naval ships passed by our waters–unannounced. Kung hihintayin pa natin ‘yung 2020 budget call baka marami pang dumaan, marami pang mangyayaring ganyang insidente kung hindi mababantayan,” pahayag ni Tolentino.

Una nang inihain ni Tolentino ang Senate Bill 1143 o ang Philippine Archipelagic Defense Act, na naglalayong bigyan ng alokasyon ang pagkakaroon ng naval chain mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.

Giit pa nito, panahon na para muling kilalanin sa Asya ang defense capability ng AFP sa pamamagitan ng modernong tanggulang pambansa.

“Kailangan natin pa­lakasin ang ating department of national defense, kailangan natin iangat din ang kaledad ng mga armas at kagamitan ng armed forces natin, kailangan na kilalanin din tayo,” diin ni Tolentino, na naglingkod at aktibong reserve officer ng Philippine Army. (Dindo Mati­ning)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy