Una sa Balita

AFC Cup: Malditas, nagmaldita vs Jordan 2-1

By
0 1,872

BINULAGA ng Phili­ppine Malditas ang host Jordan, 2-1, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2018 AFC Women’s Asian Cup Biyernes ng gabi sa Amman International Stadium.

Unang sumipa ng goal ang Jordan makalipas lamang ang 15 minuto ng sipaan mula kay Maysa Jbarah para isara ang unang hati ng laro sa iskor na 1-0.

Gumanti sina Yasmeen Khair sa ika-51 minuto at sinundan ni Sarina Bolden sa ika-76 upang simulan sa winning note ang kampanya sa Group A.

Attack mode ang host Jordan kung saan nakakuha ito ng maagang free-kick sa ikatlong minuto bagaman nasalo lamang ito ni Philippine keeper Bastes-Jones habang nagkaroon ng tsansa ang Malditas gumanti sa isang header ni Sarina Bolden subalit dumiretso lamang ito sa kamay ng Jordan shot-stopper na si Salma Ghazal.

Naitulak ni Maysa sa 1-0 ang iskor sa host sa ika-15 minuto matapos matakasan ang depensa ng Malditas.

Ilang beses nagtangka sa unang hati ang mga Pinay suba­lit madalas lampas o kapos sa goal ang kanilang mga tirada.
Dahil sa panalo, nakamit ng Pilipinas ang tatlong puntos sa Group A at sunod na makakasagupa ang dambuhalang China, na kasalukuyang na­ngunguna sa grupo, sa Lunes, Abril 9, ganap na alas-9:45 ng gabi oras sa Pilipinas. (Lito Oredo)