Una sa Balita

Aegis JURIS Fratman kulong sa atio slay

0 368

PINATAWAN ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 ng hanggang apat na taon, dalawang­ buwan at isang araw na pagka­bilanggo ang isang miyembro ng Aegis Juris Fraternity matapos mapatunayang guilty sa kasong Obstruction of justice kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng University of Sto. Tomas (UST) Freshmen student Horacio ‘Atio’ Castillo III noong Setyembre 17, 2017.

Ayon sa 27-pahinang desisyon ni MMTC Judge Carolina Esguerra ng Branch 14, si John Paul Solano ay inabsuwelto naman ng hukuman sa kasong perjury na iniharap sa kanya kaugnay sa pagkamatay ni Castillo.

Naabsuwelto sa kasong perjury si Solano matapos kakitaan ng mga ‘inconsistency’ ang mga pahayag ng police officer na lumagda sa kanyang judicial affidavit.

Si Solano ang nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17, 2017.

Nabatid sa mga naunang pahayag sa pulisya, sinabi nito na hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong naka­handusay sa Tondo, Maynila, kaya’t isinugod sa pagamutan.

Kalaunan ay nadiskubreng nagsisinungaling si Solano nang matuklasan ng mga pulis na magkasama sila sa frat group ng biktima, at matapos na pabulaanan ng mga lokal na opisyal na hindi sa kanilang lugar nadiskubre ang katawan ng hazing victim.

Inamin rin ni Solano na kalaunan na wala siya sa frat library nang isagawa ang hazing kay Castillo pero tinawagan siya ng kanyang mga kasamahan para isugod sa pagamutan ang biktima.

Nabatid na si Solano ang kauna-unang Aegis Juris na nahatulan ng korte kaugnay sa kaso ni Castillo habang dinidinig pa ang kasong homicide at paglabag sa hazing law na isinampa laban sa 10 pang miyembro ng fraternity.

Ayon naman kay Carmina, ina ni Castillo pinag-aaralan pa nila ang pagsasampa ng iba pang mga kaso laban sa iba pang frat member na kasama sa group chat kung saan pinag-uusapan nila kung papaano ikukubli ang krimen.
“We have a first conviction, obs­truction. At least totoo yung sinasabi naming na napatunayan na talagang may sala sila sa obs­truction. They concealed,” ayon kay Carmina. (Juliet de Loza-Cudia/Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy