Una sa Balita

Aegis Juris brod barado sa korte

By
0 3,324

Ibinasura ng korte ang ilan sa mga hinirit ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na kinasuhan sa pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

Kahapon sinimulan na ng Manila Regional Trial Court Branch 40 ang pagdinig sa kaso kung saan ay dumalo ang walo sa sampung mga akusado na sina Arvin Balag, Ralph Trangia, Mhin Wei Chan, Oliver John Aud­rey Onofre,­ Joshua Jori Macabali, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Robin Ramos at Jose Miguel Salamat na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Law.

Humabol din sa pagdinig ang mga magulang ni Atio na sina Horacio at Carminia Castillo.

Sa pagdinig ay dinesisyunan ni Presiding Judge Alfredo Ampuan ang mga inihaing mos­yon ng mga akusado.

Dahil sa pagiging prohibited pleading, ibinasura ng korte ang mosyon ni Trangia na humihiling na ipagpa­liban ang pagpapalabas ng arrest warrant.

Gayundin ang Omnibus Motion with Manifestation na inihain ni Rodrigo kung saan hiniling nito na tukuyin ng korte kung may pro­bable cause ang kaso laban sa kanila.

Kaugnay naman sa mosyon nina Chan, Sa­lamat, Ramos, Rodrigo at Balag na payagan silang makapagpiyansa, nagpasya ang korte na magtakda ng pagdinig tungkol dito oras na siya ay makapagdesis­yon kung may probable cause ang kaso at kapag natapos na ang pagbasa ng sakdal laban sa kanila at ang pre-trial conference.

Inatasan din ng korte ang panig ng prosekusyon na magsumite ng komento sa motion to quash na inihain ng mga akusado.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More