Una sa Balita

Administrative capital city

By
0 72

Naniniwala ba kayo sa himala? May nakikita pa ba kayong pag-asa para sa problema natin sa trapiko? Paano naman ang suliranin natin sa patuloy na paglobo ng ating populasyon? Idagdag pa rito ang alalahanin na may nakaabang na panganib sa ating kaligtasan anumang oras mula sa banta ng kalamidad tulad ng baha at lindol.

Positibo po ang a­king pananaw. Naghahanap ako ng kahit na kaun­ting liwanag sa gitna ng malawak na dilim.At sa kaunting liwanag na ito po ako humuhugot ng pag-asa.

Libre naman po ang mangarap, hindi ba? Pero mas mainam kung sasabayan po natin ng pagkilos ang mga pa­ngarap natin.

Kaya nga po bilang chairman ng committee on housing and urban development sa Kongreso, mayroon pong idinulog sa Kamara ang inyong lingkod upang matugunan ang mga problemang ito.

Ito po ang House Bill No. 83 o ang panukalang pagbuo ng Admi­nistrative Capital City Planning Commission kung saan ay ililipat sa labas ng Metro Manila ang tanggapan ng mga ahensya ng gobyerno.

Pag nangyari ito, aba eh laking ginhawa po talaga ito sa ating lahat na taga-lungsod. Sa pagtaya po kasi ng Japan International Cooperation Agency (JICA), halos P2.4 bil­yon ang nawawala araw-araw dahil sa kawalan natin ng produksyon. Nauubos po kasi sa pagkaipit sa trapiko ang mga oras natin sa halip na magamit natin ito para pagkakitaan.

Sa sandaling maisakatuparan ito, mareresolba rin po ang problema natin sa mga informal settler. Alam n’yo ba na mula sa 1.5 milyong ISFs sa bansa, halos 600,000 dito ay nagkalat sa Metro Manila? Ganito po kalaki ang pangangailan natin para sa programang pabahay.

Kapag nailipat na sa labas ng Metro Manila ang mga tanggapan ng gobyerno, magagamit na ang mga lupang aalisan nila para pagtayuan naman ng mga disente at abot-kayang halagang pabahay sa mga kababayan natin na walang sariling bahay.

Sa totoo lang po, napag-iiwanan na nga ang Pilipinas sa ganitong istilo. Ginagawa na kasi ito ng mara­ming bansa. Sa South Korea na nga lang, umaabot na sa 40 ang bilang ng mga nailipat nilang tanggapan sa Sejong City.

Kahanga-hanga rin ang malaking kaluwagan sa daloy ng trapiko sa Kuala Lumpur sa Malaysia. Nailipat na kasi nila sa Putrajaya ang karamihan sa kanilang mga government office.

Manalig lang po tayo mga kabababa­yan. Patu­loy po ta­yong magsisikap upang humanap ng mga solusyon sa ating mga problema lalo na sa pabahay. Manalig at magdasal po tayo na mangyari ang lahat ng ating mga pangarap.