Una sa Balita

Adiksyon sa telebisyon, gadget pinatututukan ng Simbahan

By
0 628

Hindi lamang drug addiction kundi maging ang pagiging adiksyon sa telebisyon at gadget ay dapat din pag-tuunan ng pansin ng gobyerno.

Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, na kahit hindi ito iligal ay nakakaapekto rin sa lipunan ang adiksyon ng mga tao sa telebisyon at gadget.

Sinabi ni Tagle sa kanyang homiliya sa pagpapasinaya ng kauna-unahang Sanlakbay Recovery and Restoration Center sa Sta. Cruz, Maynila, sinabi ni Tagle na nakakaapekto sa lipunan at pamilya ang pagkagumon sa telebisyon at gadget.

“Lahat naman tayo may kanya-kanyang addiction, kaya lang ‘yung iba legal. Kaya tuloy lang. ‘Yung mga addicted sa cellphone, addiction din ‘yan.
“Minsan kaharap mo na ‘yung misis mo hindi mo nga tinitingnan ang misis mo. O kaya ‘yung mga teleserye kahit na hindi makakain ng hapunan, kahit na hindi maghanda ng hapunan, huwag lang lalagpasan,” ayon kay Tagle.

Sanhi nito, hinikayat ng Cardinal ang bawat isa na iwaksi ang paghuhusga sa ibang tao, tulad ng mga drug addict, bagkus ay magtulungan para sa sama-samang paghilom.

“Minsan bago tayo maghusga katulad ni Isaias kasama pala tayo sa bayan na mayroon ding mga karupukan at sa karupukan sama-sama din tayong naglalakbay.

“At sa pag-ibig ng Diyos sama-sama din tayong maglakbay para sa sama-samang paghihilom at ang nahihilom dyan ang pa­milya, ang samba­yanan,” dagdag pa ni Tagle.

Matatandaan na sa isang mensahe ni Pope Francis, hinimok nito ang bawat isa na maglaan ng panahon para sa pakikisalamuha sa kapwa at pagbibigay-oras sa pamilya, hindi lamang sa paraan ng makabagong teknolohiya kundi sa pamamagitan ng personal na presensiya.