Una sa Balita

‘Adik’ binoga habang nagbi-video karera

By
0 60

Sapul sa ulo ang isang lalaki na umano’y adik sa iligal na droga matapos barilin habang nagla­laro ng video karera ng isa sa apat na suspek, kamakalawa nang gabi malapit sa Señora Dela Paz Chapel sakop ng Gate 12, Area B, Parola Compound, Tondo, Maynila.

Kinilala ni Police Chief Insp. Rommel Anicete ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang biktima na si Paolo Bumanlag, 45-anyos, taga-No. 570 Area B, Gate 12 Parola Compound Tondo, Maynila.

Naganap umano ang pamamaril dakong alas-11:00 nang gabi kung saan dumating ang apat na suspek na nakasuot ng face mask at bull cap at walang sali-salitang binaril ang biktima habang naglalaro.

Nang matiyak ng mga suspek na napuruhan ang biktima ay mabilis na nagsitakas.

Mabilis namang isinugod ang biktima sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center pero idineklarang dead on arrival.

Kaugnay nito, napag-alaman na gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang biktima at hindi isinuko ang sarili sa anti-illegal drug opera­tion na Oplan Tokhang.

Nakarekober ang mga pulis ng basyo ng bala at deformed bullet sa lugar.

Patuloy naman ina­alam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek.