Una sa Balita

ADDA ipatutupad na sa Hulyo 6

By
0 5

Epektibo na sa Hulyo 6 ang nirebisang guidelines ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA) makaraang malathala kamakalawa ang binuong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas.

Sa ilalim ng IRR, hindi pinapayagan ang moto­rista na gumamit ng mobile phone o kahit anong communication device habang nagmamaneho o kahit nakahinto sa traffic light.

Pahihintulutan lamang ang paggamit ng mobile device kung pansamantalang paparada sa gilid ng kalsada ang drayber o kung may emergency calls at kung gagamit ng hands-free.

Pinaalalahanan naman ng DOTr ang mga motorista na huwag nang maglagay ng anumang mga gamit na lalagpas ng apat na pulgada mula sa dashboard ng kanilang mga sasakyan.

Ang pasaway na drayber na lalabag sa itinatadhana ng IRR sa ilalim ng Republic Act No. 10913 o ADDA ay papatawan ng multang P5,000 sa unang paglabag; P10,000 na multa para sa pangalawang paglabag; P15,000 multa sa ikatlong paglabag kasabay ang suspensyon ng lisensya sa loob ng tatlong buwan; at P20,000 para sa ikaapat na paglabag at pagbawi ng driver’s license.

Ang ADDA ay itinaguyod ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office at DOTr dahil sa lumalala at tumataas na bilang ng mga nagaganap na aksidente sa kalsada sanhi ng paggamit ng electronic at mobile devices habang nagmamaneho.