Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Acuzar condo swak sa illegal detention

0 1,164

Sinampahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong illegal detention ang mga opisyal at security personnel ng Victoria Towers condominium sa Quezon City matapos na ikulong ang tatlong nurse na nagsisilbing frontliner sa COVID-19 pandemic.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor ang mga kinasuhan na sina Mel Tosco, property manager/administrative head ng Victoria Towers; Napoleon Briñas, head ng security management ng San Jose Builders Inc.; Atty. Jerich Jucaban, vice president; security guard Sadat Macabanding; at lima pang sikyo ng condominium.

Ang Victoria Towers ay pag-aari ni New San Jose Builders Inc. Chairman Jose Acuzar.

Nabatid na noong Hunyo 29, nakatanggap ng reklamo ang NBI Special Action Unit mula sa tatlong indibiduwal sa pamamagitan ng kanilang abogado.

Ayon sa reklamo ng mga frontliner na hindi naman pinangalanan, mahigit tatlong araw umano silang iligal na ikinulong mula noong Hunyo 20 ng management at mga sikyo ng condo.

Sa reklamo ng mga biktima, iligal umano silang ikinulong sa kabila na mayroon silang ipinakitang medical clearance na negatibo sila sa COVID-19 at puwedeng magtrabaho.

Matapos maberipika ang impormasyon, ikinasa ng NBI ang rescue operation at pagdating sa condo ay dinatnan sina Rosco, Brinas, at Atty. Neneth Padua, legal officer ng SJBI.

Sa kabila na ipinakita na umano ang inisyung medical clearance ng Infectious Control Consultants (ICC) at nakiusap na ibigay sa kanila ang mga biktima ay hindi ito ginawa kaya napilitan na ang mga operatiba ng NBI na puntahan ang mga biktima na kinulong umano sa 9th floor ng condo.

Kasunod nito ay inaresto si Tosco habang nakatakas si Briñas at hindi naman lumutang si Jucaban.

Depensa naman ng mga sikyo na sumusunod lang umano sila sa utos ni Tosco. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.