Una sa Balita

ACTS-OFW Rep. Bertiz nam-bully sa NAIA

0 892

NAKALADKAD na naman sa panibagong kontrobersiya si ACTS-OFW Party-list Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz III matapos komprontahin ang isang security officer ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na sumita sa kanya dahil sa pagtanggi nitong magtanggal ng sapatos nitong Sabado.

Sa video na ipinost sa Facebook mula sa CCTV footage ng NAIA Terminal 2, makikitang nagtaray si Bertiz sa isa sa mga screening officer ng paliparan matapos nitong subukang kapkapan ang mambabatas habang nasa final stage ng security inspection. Imbes na magpakapkap, inilutang ni Bertiz ang kanyang ID sa nasabing kawani ng paliparan.

Hindi pa doon natapos ang insidente at pagkatapos niyang kunin ang kanyang bag sa X-ray counter, muling kinompronta ni Bertiz ang nasabing airport screening officer habang pinapakita ang kanyang ID.

Sa nasabi ding video na nag-trending na sa iba’t ibang social media sites, makikitang sinugod din ni Bertiz ang kawawang kawani ng paliparan habang pilit nitong kinukuha ang kanyang pangalan. Bago matapos ang video, inagaw ni Bertiz ang ID ng screening officer sabay alis papuntang opisina ng NAIA.

Ang nasabing insidente ay nangyari bago mag ala-siyete nang umaga noong Setyembre 29 sa domestic ramp ng nasabing paliparan. Mahigpit ngayon ang seguridad sa lahat ng terminal ng NAIA na nasa Level 2 Alert status.

Nagpaliwanag naman si Bertiz na mayroon na siyang NAIA security ID pero isinailalim pa rin siya sa security check.

Inangalan din niya ang pagdaan ng mga Tsino na wala umanong security check.

Umani naman ng negatibong reaksyon ang ginawa ng mambabatas sa social media.

“Party-list lang ang yabang na,” sambit ng isang netizen.

“Galing ng representative nating OFW,” puna naman ng isang user.

“Sense of entitlement? Grabe ka Bossing­! Kayabang mo!” tweet naman ni Senador JV Ejercito, kahapon.

Kamakailan lamang ay kinuyog din si Bertiz ng netizens dahil sa sinabi nito sa oath taking ng mga kapapasang biosystem and agricultural engineer na hindi nila makukuha ang kanilang ID kung hindi nila kilala ang binanggit nitong opisyal ng gobyerno.

Matapos maging viral ang kanyang banta, humingi naman ng paumanhin si Bertiz at sinabing nagbibiro lamang siya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy