Una sa Balita

Abueva suwerteng mama ng Alaska, nawawala!

By
0 1,245

NAPAKASU­WERTE nitong si Calvin Abueva dahil sa Alaska siya naglalaro. Malamang na kung sa ibang koponan siya lumalaro, matagal na siyang suspendido o baka nasipa na. Baka ngayon ay wala na siyang trabaho.

Magmula nang matapos ang PBA All-Star Week, hindi pa nagpapakita sa Alaska si Abueva. Ni ha, ni ho, wala.

Sabi nga ng isang katoto, ‘yan ang dahilan kung bakit inimbento ni Alexander Graham Bell ang telepono – para tumawag ka maski saang lupalop ka nandoroon.

Ano kaya ang service provider ng teleponong gamit ngayon ni Alvin at hindi man lang siya maka-text, makatawag, maka-messenger, FB, tweeter o Instagram?

Pero imbes na ma­galit, hinihintay lang ni coach Alex Compton na tumawag si Abueva o kaya ay magpakita na ito sa practice ng koponan. Alam ni Compton na may pinagdaraanan ngayon si Abueva at kailangan itong intindihin.

Naglaro sa nakaraan­g All-Star Week si Abueva at okay naman ang ipinakita nito. Hindi halatang may pinagdaraaan. Sa laro nga ng Smart All-Stars laban sa Visayan All-Stars, dumagit ng 27 rebounds si Abueva. Imbes na pa-easy-easy lang, tinotoo ni Abueva ang laban kaya siya ngayon ang may hawak ng pinakamaraming rebounds sa PBA All-Star history.

Nakakabilib si Compton at ang pamunuan ng Alaska dahil hindi ito ang unang pagkakataon na missing in action si Abueva. Noong simula ng nakaraang Philippine Cup, hindi rin nagpakita ng ilang laro si Abueva. At si Compton din ang sumagot sa mga tanong kung bakit nawawala si Abueva – dahil sa personal matters. Na hindi dapat pakialaman ng maski sino.

Pero sabi nga ng isang katoto, may kontrata sa Alaska si Abueva.

At kasama sa kanyang pinirmahang kontrata na kailangan siyang dumalo sa practice ng koponan at iba pang mga bagay kung saan kailangan siya, ang kanyang pagmumukha.

At tiyak na mayroong provision sa nasabing kontrata na kapag hindi mo nagampanan ang iyong mga tungkulin sa team, mayroong kaukulang penalty o kaparusahan.

Lifted ba ito sa kaso ni Abueva?

Maganda ang stat line ni Abueva sa Commissioner’s Cup – 10.4 points, 9.4 rebounds, 2.8 assists, 2.2 steals at 1.2 blocks sa 19.9 minutes of play.

Hindi man sabihin ni Alex, kailangan nila si Abueva, lalong-lalo na dahil puno ng energ­y ang mama.

Pero ang tanong: Nasaan ka Alvin?