Una sa Balita

Abueva nag-public apology, malapit nang bumalik sa laro

0 405

MAGANDANG gesture ang kauna-unahang public apology ni Calvin Abueva, sa paghingi ng paumanhin ay parang inaamin na rin ang kamalian sa mga ginawa.

Baka may liwanag na rin ang pagbabalik ng The Beast sa PBA.

Noong midseason Commissioner’s Cup, sinenyasan ni Abueva ng malaswa si Maika Rivera, ang girlfriend ni Blackwater rookie Bobby Ray Parks.

Sumunod, binigyan niya ng clothesline si Terrence Jones na yumanig sa leeg at ulo ng dating TNT import.

Binigyan ni Commissioner Willie Marcial ang Phoenix forward ng indefinite suspension at pinagmulta ng P70,000.

Sinabi noon ng PBA na nakilala na ang The Beast sa kanyang “offensive and obnoxious on-court behavior.”

Pinasa-ilalim din siya sa counseling at pinag-community service. Isa pa sa kondisyon ay kailangan nitong humingi ng paumanhin.

Nitong Sabado, nag-issue ng public apology si Abueva.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin para sa mga nagawa kop o sa PBA at sa Talk N Text fans, Phoenix Fuel Masters management at sa Phoenix fans, lalo nap o sa Board of Governors, kay Commissioner Willie Marcial, kay Bobby Ray Parks at Maika Rivera, then sa PBA family,” panimula ni Abueva sa kanyang 43-second video sa Instragram.

Seryoso ang paghingi ng paumanhin ni Abueva, pinag-isipan ang mga sasabihin.

“Ako po ay humihingi ng dispensa sa mga nagawa ko po,” dagdag niya. “Ipagpapatuloy ko po ‘yung mga nasimulan ko. Sana mapagbigyan n’yo pa po ako. Salamat po.”

Ilang linggo na ang nakakaraan, pinagbigyan ni Marcial ang hiling ni Abueva na sumama sa praktis ng Fuel Masters para hindi mawala sa kondisyon.

Nakasama rin si Abueva sa PBA campus tour nang mag-open practice ang Fuel Masters sa TIP gym sa Manila. (VE)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy