Una sa Balita

Abu Sayyaf timbog sa QC

0 205

ARESTADO ang isang aktibong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na wanted­ sa pitong kasong kriminal sa lalawigan ng Basilan matapos itong madakip sa kanyang pinagtataguang bahay sa Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa isinagawang press briefing kahapon sa Camp Crame, iprinisinta ni Phili­ppine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde, ang nadakip na suspek na si Abuhair Kulim Indal, alyas Annual Dasil at Abu Khair, 32-anyos.

Ayon kay Albayalde nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Group ng PNP at Quezon City police ang suspek sa pinagtataguan nitong bahay sa 104 Cotabato St., Saalam Compound sa Brgy. Culiat.

Si Indal ay may warrant of arrest na inilabas ni Hon. Leo Jay Principe, presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC), 9TH Judicial Region, Branch 1, Isabela City, Basilan.

Responsable din ang suspek sa iba’t ibang krimen dahil sa partisipasyon nito sa kidnapping ng 15 manggagawa sa Golden Harvest Plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan noong Hunyo 11, 2001.

Si Indal ay trusted aide din umano ni Abu Sayyaf leaders Furuji Indama at Nur Hassan Jamiri. Sugatan din ito sa naganap na engkuwentro laban sa tropa ng militar noong 2001 sa Kamalarang, Isabela, Basilan.

Ayon kay Albayalde, sinubukan pa umanong manlaban ng suspek at kumuha pa ng granada sa kanyang kuwarto subalit agad itong napigilan ng raiding team.

Sa ngayon ay nakatakdang ibalik si Indal sa Isabela City, Basilan upang sumailalim sa tamang desposisyon. (Edwin Balasa/Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy