Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Absuwelto

0 111

Sa legal na usapin, ang naabsuwelto ay iyong nahatulang walang sala ang isang akusado. Acquitted o absolved sa Ingles. Malaya na. Maaari nang makalabas at mamuhay nang normal kung siya ay nasa piitan. Kaya naman sa malalaki at kontrobersyal na mga kaso, inaabangan ng sambayanan ang hatol.

Galing ang salitang ‘absuwelto’ sa Latin na absolvo na ang ibig sabihin ay palayain. Dahil nga ginagamit sa korte ang salita kaya madalas natin itong marinig sa mga palabas na may kinalaman sa prosekyusyon ng isang nasasakdal o hindi kaya ay tungkol sa pagsugpo ng kriminalidad.

Inangkin na rin natin ang salitang ‘absuwelto’. Nilalagyan natin ng panlapi upang madagdagan ang kahulugan. Iaabsuwelto ng abogado. Inabsuwelto ng hukuman.Inaabsuwelto na agad hindi pa man nagsisimula ang pagdinig sa kaso. Prinsipyo naman kasi talaga sa pagdinig sa kaso na inosente muna ang nasasakdal hangga’t hindi napapatunayan.

Sa lahat ng paglalapi natin sa salitang ‘absuwelto’, ang ugat ng kahulugan ay tungkol lagi sa pagpapalaya ng nasasakdal. Pero may negatibong konotasyon na rin ang salita. Kapag nakakarinig o nakakapanood tayo ngkontrobersyal na balita hinggil sa isang krimen na sangkot ang mayaman na nang-agrabyado ng mahirap, nakakaramdam tayo ng hindi maitatangging pagpanig sa maralita.

Dahil walang sapat na kayamanan, walang kakayahan ang isang mahirap na humanap ng magagaling na abogado. Na kayang gawin, natural, ng isang mayaman. Dahil mahirap, makikisimpatiya tayo dahil hindi nalalayo sa atin ang estado ng kaniyang buhay. Kaya naman naghihintay tayo ng resolusyon ng isang kasong kinasasangkutan ng mayaman laban sa mahirap.

Kay dali nang makibalita. Nagkalat na ang impormasyonsa internet. Napakadali na ring magbahagi ng opinyon o saloobin hinggil sa mga pangyayaring ito. Kaya hindi nakapagtatakang maraming nalulungkot at nagagalit kapag ba tila inaabsuwelto na agad ng mga may kapangyarihan ang mayaman. Nakagagalit din na para bang ang dapat magpatupad ng batas ay mistulang nagtatanggol pa sa mayamang nasasakdal. Absuwelto na hindi pa man nagsisimula ang pagdinig.

Naihahambing natin ito sa ibang pagpapatupad ng bataskapag ang sangkot ay mahirap. Aresto agad. Kulong agad. Mistulang hinatulan agad. Itatanghal ang mukha at pagkatao. Hindi gaya ng mga mayayaman at makapangyarihang nasasakdal. Ramdam na ramdam ang tamang proseso.

Tamang isipin na lahat ay pantay-pantay sa batas. Walang mayaman o mahirap. Pero ang mapapansing may pagkakaiba ay ang pagpapatupad. Pantay pa rin ba? O may kinikilingan?

Sa panahong ang lahat ay may paraan para malaman ang impormasyon, mahirap ikanlong ang pagkakaiba ng mayaman at mahirap sa pagpapatupad ng batas. Lalo’t kontrobersyal ang kaso. Sumikat dahil sa tahasang paglabag sa batas na napanood na ng lahat. At angmalinaw na mga sangkot ay mayaman at mahirap.

Magtataka ka na lang na gayong kay linaw sa iyo ng nangyari, bakit tila ba pinagtatakpan pa ng dapat sana ay nasa kapangyarihang magpatupad ng batas? Hindi tuloy maiwasang isipin ng karamihan na sa bansang ito, basta’t may kayamanan at padrino, madaling makakamit ang absuwelto.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadalang mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.