Una sa Balita

Absolute community of property

By
0 70

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po!

Atty. gusto ko pong malinawan o maintindihan ang nakasaad sa Transfer Certificate of Title (TCT) na inisyu ng NHMFC.

Ako ay married at pagkatapos ng 25 years, natapos (fully paid) ko hulugan ang maliit na lupa at bahay.

Hindi ko po co-borrower or co-signatory ang asawa ko. Solo ko ang lahat ng papeles na sinubmit at payment ng amortization ng housing loan at sa katunayan ang bayad ng monthly dues para sa housing loan ay sa paraan nang salary deduction payment to NHMFC.

Galing lahat po sa akin ang bayad nito.

Isa sa requirements na hiningi o sinubmit ko para sa housing loan ay ang marriage contract (fake) naming mag-asawa dahil dala ko ang apelyido ng asawa ko pero ‘di pa napawalang bisa ang previous marriage niya ( still in the process at that time ang petition for nullity of marriage). 1 year later, nagpakasal kami ulit after we got the decision na wala ng bisa ang kasal niya pero ‘di ko na pinalitan ang marriage contract (fake) na una kong sinubmit for housing loan.)

Ang tanong ko Atty. Claire, conjugal pro­perty ba namin ‘tong house and lot na niloan ko sa NHMFC? 

Ang pangalan sa TCT ay – (name ko) married to (name ng asawa ko).

Maraming salamat po.
Tita G.

Ms.Tita G,

Ayon sa inyong kuwento ay tunay na kayong kasal at lumalabas din naman na wala kayong pre-nuptial agreement para masabi na ang property na ikaw lang ang nagpundar ay sa iyo lamang (separation of property regime).

Kaya’t lahat ng ari-arian na naipundar ninyo nang kayo ay dalaga pa at siya naman ay nu’ng binata pa siya ay magiging parte po ng inyong Absolute Community of Property.

Sa maiksing salita ay 50-50 ang hatian ninyo kahit pa wala siyang nai-contribute sa pagbabayad nito.

Iba po kasi ang magiging sagot ko kung talagang wala kayong naging valid na kasal. Pero dahil sa nagpakasal naman kayo matapos na mapawalang bisa ang kasal niya sa una ay sakop ang ari-arian ninyo ng tinatawag nating ABSOLUTE COMMUNITY OF PROPERTY.

Kahit na ikaw ang nakarehistro bilang may-ari at nakalagay lamang na ‘married to’ ay mananatiling parte iyan ng iyong absolute community of property.

Tandaan na kapag naman na-acquire ang isang property dahil sa ito ay namana o donasyon na nangyari matapos ang kasal ay magiging exclusive property lamang ito ng donee o heir at walang interes o karapatan ang asawa at hindi parte ito ng absolute community of property kahit na naka-describe ang donee (re­gistered owner na) bilang ‘married to’. 

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 /922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com