Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Aboitiz power plant pinasara

0 63

Kinasahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang Department of Energy (DOE) at ang kompanya ng mga Aboitiz sa isyu ng Hedcor power plant nito sa Bakun, Benguet.

Nanindigan ang NCIP na saka lamang nila babawiin ang inisyung cease and desist order (CDO) laban sa Hedcor hydropower plant kung magpapakita ito ng Certificate of Precondition at Free Informed Prior Consent mula sa tribung Bakun, na kailangan sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997.

Nag-isyu ng CDO ang NCIP laban sa Hedcor matapos ireklamo ng tribung Bakun na apektado ng operasyon ng hydropower plant. Subalit pinayuhan umano ng DOE ang Hedcor na ituloy ang operasyon nito sa kabila ng CDO dahil kailangan ang kuryente ngayon.

Una nang kinuwestiyon ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang pagkampi umano ng DOE sa power plant ng mga Aboitiz. Nabatid na si DOE Secretary Alfonso Cusi ay nagtrabaho ng mahigit dalawang dekada sa shipping business ng mga Aboitiz.

Samantala, pakiramdam umano ng pamayanan ng Bakun na nagoyo sila ng mga Aboitiz matapos na hindi tuparin ng Hedcor ang mga pangako nito sa kanila.

“Dishonest kasi ang Hedcor kaya nagalit ang community. Umabot na sa emotional boiling point,” sabi ni NCIP Regional Director Marlon Busantog sa Abante.

Paliwanag ni Busantog, nang mapaso na ang Memorandum of Agreement (MOA) ng komunidad sa Bakun at ng Hedcor noong 2017, binabaan ng kompanya ang share ng komunidad sa kita mula sa tatlong hydro power plant. Pumayag umano ang komunidad dahil magkakaroon pa umano ito ng proyekto kasama ang local government.

Sa 1993 MOA ng Hedcor at ng komunidad, 3% ng neto (net sales) ng proyekto ang napupunta sa mga taga-Bakun – 2% sa local government at 1% sa mga apektadong barangay, sabi ng Aboitiz Power kung saan napapasailalim ang Hedcor.

Napaso ang MOA noong 2017 at nagkaroon sila ng bagong kasunduan noong 2019 kung saan mas kaunti na ang magiging share ng komunidad sa kita.

Giit ni Busantog, hindi natuloy ang mga proyektong pinangako ng Hedcor. Sabi naman ng Aboitiz Power, under negotiation pa ang bagong MOA.(Billy Begas/Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.