Una sa Balita

Abogadong naging Pinocchio

By
0 27

Nakaka-turn off itong isang abogado dahil sa pagiging sobrang kompiyansa sa sarili na makakasampa siya sa Senado pagsapit ng 2019 elections.

Hindi pa man nabuo ang kanilang line-up ay bukambibig na niya ang pagkandidato sa darating na eleksiyon sa bawat makausap kahit unang beses pa lang na nakadaupang palad.

Sa isang simpleng pagtitipon ay tila politiko na ito sa pakikipagkamay at game sa selfie o group picture at abot tainga ang ngiti kahit alam na binobola lalo na kapag tinatawag na ‘senator’

Minsan ng kumandidato si attorney sa pagkasenador pero olat ito kaya muling susubok sa ikalawang pagkakataon.

Katuwiran ni attorney, noong hindi pa siya gaanong kilala ay mahigit dalawang milyon ang nakuhang boto kaya tiwala siyang ngayong ‘in demand’ siya at laging hinahabol na (daw) ng media ay tiyak na lalong aangat ang kanyang pa­ngalan! Astig!

Paano naman kasi mga utaw, si attorney ang ma­lakas ang loob at matatag ang sikmura na kalabanin ang isang mataas na opisyal sa gobyerno at talagang pinanindigan ang hangarin na mapaalis ito.

Ayan may clue na kayo, pero sabi nga ni attorney “tiwala lang!” Kaya naman panay-panay ang pa-interview maparadyo man o telebisyon para magkaroon ng recall ang pangalan sa darating na eleksiyon.

Ingat ka lang attorney baka sa sobrang elibs mo, tamaan ka ng kidlat. ‘Di ba sabi mo, may slogan ka na ring nakahanda na ang tunog ay para ring kidlat?

Pero ang kapansin-pansin, tila lumalaki ang ilong ni attorney marahil siguro sa pagsisinungaling.

Kung ganyan, mas mauuna pang maging Pinocchio siya kaysa maging senador.

Si attorney na maagang nagpaparamdam ay kaibigan ng mga dati at kasalukuyang opisyal at talagang nagme-merry-go-round para magpakilala at magparamdam na rin para sa darating na eleksiyon.

Tawag sa kanya ng mga utaw sa kanto, atorning atat!