Una sa Balita

Abogado nakaligtas sa Cebu ambush

0 250

Nakaligtas sa pananambang ang isang abogado matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding-in-tandem sa labas ng Cebu City Hall of Justice sa Qimonda IT Center sa North Reclamation area sa lungsod na ito kahapon nang umaga.

Ayon kay Police Master Sgt. Ruth Bonggo ng Waterfront Police Station, nagtamo ng 11 tama ng bala ang kulay puting sports utility vehicle (SUV) ng biktimang nakilalang si Atty. Innocencio dela Cerna, na suwerteng walang anumang sugat sa naganap na ambush

Base sa ulat, dakong alas-nuwebe nang umaga, habang papalabas ang biktima sa hall of justice ng Cebu City galing ng kanyang hearing nang bigla na lang itong pagbabarilin ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.

Nakuha namang mapaharurot ng biktima ang kanyang sasakyan subalit humabol din ang mga suspek at walang tigil na pinagbabaril ang sasakyan.

Pagdating ng biktima sa kanto ng S. Osmeña Road at Alviola Street ay huminto ito sa may gasolinahan at mabilis na bumaba bitbit ang kanyang baril at nakuhang makipagpalitan ng putok sa mga suspek hanggang sa tumakas ang mga ito patungo sa hindi batid na lugar.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy